INIULAT ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng mga kaso ng dengue at leptospirosis sa bansa ngayong taon.
Batay sa datos, pumalo ng 30% ang itinaas ng dengue cases habang 86% naman ang itinaas ng mga kaso ng leptospirosis.
Mula sa 131,736 kaso ng dengue na naitala sa unang 11 buwan ng 2017, ay umabot ito ngayon sa 171,294 kaso.
Karamihan sa mga naitalang kaso ay nagmula sa Negros Occidental, Quezon City, Cebu, at Bohol, habang naitala naman ang pinakamalaking pagtaas ng kaso sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), Mimaropa, Caraga, Region X at Region I.
Samantala, dahil naman sa mga bagyo at pagbaha na naganap ay tumaas rin ang bilang ng leptospirosis cases sa bansa, na nakukuha sa ihi ng daga na nahahalo sa tubig-baha.
Nabatid na mula sa 2,612 leptospirosis cases noong nakaraang taon, pumalo sa 4,855 kaso ng sakit ang nairekord ng DOH ngayong taon at 460 sa mga ito ang nasawi.
Karamihan umano sa mga nasawi ay naitala sa Calabarzon, Caraga, National Capital Region (NCR), Mimaropa, at Region 9.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala si Health Secretary Francisco Duque III na kaagad na kumonsulta sa doctor kung maka-kakita ng sintomas ng sakit.
Ayon kay Duque, kung nasa 38 degrees centigrade na ang lagnat ay huwag nang magpatumpik-tumpik at magdalawang-isip at kaagad nang kumonsulta sa doktor.
Pinayuhan rin niya ang lahat na mag-ingat sa kagat ng lamok, gayundin sa paglusong sa baha upang makaiwas sa mga naturang karamdaman. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.