NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang isang Catholic priest hinggil sa dumaraming bilang ng mga tao sa Filipinas na dumaranas ng iba’t ibang klase ng isyu na may kinalaman sa mental health, tulad ng depresyon, na maaaring magresulta sa suicide.
Ayon kay Father Dan Cancino, executive secretary ng Episcopal Commission on Health Care (ECHC) ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi dapat na ipagwalangbahala ang naturang problema, na kinakailangang maagapang magamot.
Nangangamba si Cancino na kapag hindi naagapan at nabigyan ng tamang lunas at atensiyon ang depresyon ay nagiging dahilan ito upang wakasan ng isang tao ang sarili niyang buhay.
“’Yung mga tao na gustong magpakamatay, hindi naman talaga nila gustong mamatay. Ito lang ang naiisip nilang paraan para mawala ang sakit na kanilang nararamdaman,” ani Cancino, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Kaugnay nito, hinihimok niya ang mga mamamayan na nakararanas ng depresyon at iba pang mental health problem na mas maging bukas sa pakikipag-usap sa kanilang pamilya, kaibigan at higit sa lahat manampalataya sa Diyos.
Iginiit ng pari na sa pamamagitan ng pananampalataya ay nabibigyan agad ang bawat isa ng walang hanggang pag-asa.
Nabatid mula sa datos ng Department of Health (DOH) na mula taong 2016 ay umaabot na sa 2,413 ang kaso ng suicide sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.