SINAMPAHAN ng patong-patong na kasong kriminal ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) ang importer at broker dahil sa ilegal na pagpaparating ng sibuyas na tinatayang nagkakahalaga ng umaabot sa P11,109,874.52.
Ayon kay Commissioner Isidro Lapeña, ang mga nasabing sibuyas ay dumating sa Manila International container Port (MICP) nitong nakaraang buwan ng Abril nang walang maipakitang mga papeles.
Kakaharapin ng mga akusado ang limang kasong kriminal dahil sa paglabag sa Sections 1400 at 1401 ng Republic Act No. 10863 o iyong tinatawag na Customs Modernization and Tariff Act in relation to Republic Act No. 10845 ng “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016”.
Ang mga kinasuhan ay sina Joseph Martin E. Arriesgado, sole proprietor of EAJM Enterprises, Manilou A. Hernandez, sole proprietor of Buensuceso Enterprise at ang licensed customs broker na si Lorenz V. Mangaliman, at Arvin V. Tugadi, sole proprietor ng Epitome International Trading.
Nag-ugat ang kaso ng mga suspek nang madiskubre ng customs examiners sa joint spot checking ng kanilang 6x 40 containers na nakaimbak sa container yard ng MICP. Naunang idineklara ng may-ari na mansanas ang laman ng mga container van, ngunit nang buksan ay mga sibuyas ang tunay na laman ng sinasabing mga container. FROI MORALLOS
Comments are closed.