IBINASURA ng Makati Prosecutor’s Office ang pinag-isang reklamo laban sa di-umano’y mga sangkot sa pagkamatay ni flight attendant Christine Dacera na nadiskubreng nakahandusay sa bathtub sa City Garden Grand Hotel sa Barangay Poblacion, Makati City sa mismong selebrasyon ng Bagong Taon ng 2021.
Sa desisyon na may petsang Enero 31, ibinasura ng Prosecutor’s Office ang reklamong Administering of Illegal Drugs na isinampa laban sa nakasama ni Dacera noong mga panahon na iyon na si Mark Anthony Rosales.
Ayon sa prosecutor na may hawak ng kaso, ibinase ang pagbabasura ng kaso laban kay Rosales dahil walang sapat na ebidensiya na nagpapatunay na mayroong ilegal na droga na pumasok sa katawan ni Dacera.
Kasabay nito, ibinasura rin ng Prosecutor’s Office ang isinampang kaso na obstruction of justice laban sa walo pang akusado na kinilalang sina Rommel Galido, John Pascual Dela Serna, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, Jezreel Rapinan, Alain Chen, Reymar Englis, Darwin Joseph Macalla at Atty. Neptali Maroto.
Inabsuwelto rin ng Prosecutor’s Office sa kasong falsification of public documents si Medico-legal officer Maj. Michael Nick Sarmiento dahil sa hindi napatunayan ang reklamo laban sa kanya pati na rin sina Louis De Lima na kasama nina Galido, Dela Serna, Rapinan, at Chen ay naabsuwelto sa isinampang kasong perjury charges laban sa kanya.
Samantala, ibinasura rin ng Prosecutor’s Office sa mga kasong libel, slander at cyberlibel ang ina ni Dacera na si Sharon dahil sa “lack of proof of malice.”
Ang mga kasong illegal detention, arbitrary detention, at unlawful arrest na isinampa naman ng mga nakasama ni Dacera laban kay Sharon, kaibigan ni Sharon at doktor na si Marichi Ramos, kamag-anak ni Dacera na si Katherine Anne Facelo at dalawa pang pulis ay idinismis din ng Prosecutor’s Office.
Napagdesisyunan ang pagdi-dismis ng kaso dahil “no evidence that they effectively controlled and directed the respondent-police officers to arrest and detain the complainants.”
Base sa histopathology report na isinagawa ng mga medico-legal experts, sinasabing ang dahilan ng pagkamatay ni Dacera na ruptured aortic aneurysm ay isang natural na kamatayan na kapareho rin ng nakasaad sa autopsy report na isinumite ng pulisya. MARIVIC FERNANDEZ