MGA KAWAL BAON SA LOAN SHARKS

duterte-army

LUBHANG nababahala si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa dumadaming sundalo na napapasubo sa loan sharks o mga nagpapautang na nagpapataw ng sobra-sobrang tubo.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen Carlito Galvez makaraang mabunyag na masyado nang malaki ang bilang ng mga sun­dalo na kumakagat sa loan sharks.

Ayon kay Galvez, ito ang dahilan kaya nanawagan siya sa mga sundalo na umiwas sa mga nagpapautang ng patubuan.

Nalantad na masyado nang malaki ang bilang ng mga umuutang na sundalo at kailangan aniyang matutuhan ng mga tauhan ng AFP na mapagkasya ang kanilang sahod.

“We want them to manage their own finances,” aniya.

Kaugnay nito ay lumikha na, aniya, si Pa­ngulong Duterte ng isang komite na magsasagawa ng pag-aaral hinggil sa mga panga­ngailangang pananalapi ng mga sundalo, gayundin ng mga pulis.

“Lumikha na ang mahal nating presidente ang technical commitee para maresolba ‘yung issues ng too much exposure ng ating mga sundalo, kapulisan, at saka mga teacher sa pagkakautang,” ani Galvez.

“Kaya ngayon ang gagawin natin is magkakaroon tayo ng very stringent regulations so that we can protect our soldiers from the loan sharks, ‘yung mga ibang ano, mga illegal at mga loan shark,” dagdag pa niya.      VERLIN RUIZ

Comments are closed.