MGA KONTRABANDO TINANGKANG IPASOK SA NAVOTAS CITY JAIL NASABAT

Navotas City Jail

BIGONG maipuslit ng hindi kilalang lalaki ang mga kontrabando sa loob ng Navotas City Jail (NCJ) sa pamamagitan ng pagdaan sa steel grills ng extension ng pasilidad dahil sa alertong jail guard sa Navotas City.

Ayon kay Jail Warden Chief Insp. Ricky Heart Pegalan, ala-1 ng mada­ling araw, nagsasagawa ng routine inspection si SJ01 Virgilio Obispo sa loob ng city jail nang mapansin nito ang isang lalaki na tinangkang ipasok ang kulay pulang bag sa dalawang palapag na pasilidad na nagsilbi bilang jail extension.

Agad tumakbo palayo ang lalaki at iniwan ang plastic bag na nakasabit sa steel grills dahilan upang kunin ni Obispo ang bag saka dinala sa duty desk officer.

Nang suriin ni jail duty officer Insp. Mark Jerome Cagurungan ang laman ng plastic bag ay nadiskubre ang 11 rims ng Mighty cigarettes, dalawang packs ng Marl­boro red, dalawang mobile phones, dalawang head set at cellphone charger na nakabalot sa brown packaging tape.

Ani Pegalan, na isang abogado, patuloy ang kanilang pagsunod sa mga direktiba at mga patakaran ng Regional Director ng Jail Bureau na si Jail Chief Supt. Ignacio Panti upang mai-sakatuparan ang layunin nitong zero kontrabando sa loob ng kulungan sa pamamagitan ng pinalakas na roving inspeksiyon. EVELYN GARCIA

Comments are closed.