LUNGSOD NG MALOLOS – “Napakagaling talaga ng mga Bulakenyo, lalo na ng inyong mga kooperatiba, mahirap talaga kayong pantayan, mahirap pantayan ang record ninyo!”
Ito ang idiniin ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa ginanap na Gawad Galing Kooperatiba 2018 awarding ceremony na may temang Cooperative: Partners for building Resilient and Empowered Communities towards a Better and Stronger Communities sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakalawa.
Sinabi pa ni Arroyo na ito ang dahilan kung bakit umaani ng parangal ang Bulacan pagdating sa kooperatiba at higit sa parangal, ang halos 800 na mga kooperatiba, kung saan miyembro ang 20 porsiyento ng mga mamamayan ng Bulacan, ay patuloy na nag-aambag sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sinamahan si Arroyo ni acting Bulacan governor Daniel Fernando sa paggagawad ng parangal sa Samahang Kapatirang Kababaihan ng Pulilan Multi-Purpose Cooperative na nagwagi bilang Gawad Galing Kooperatiba-Medium-Scale Category at Palayan sa Nayon Multi-Purpose Cooperative ng Lungsod ng Malolos na nanalo para sa Large-Scale Category. Kapuwa sila tumanggap ng tropeo at P80,000 na perang insentibo.
Bukod dito, kinilala rin sina Enrile Germar, tagapangulo ng Kapitbisig sa Pag-unlad Multi-Purpose Cooperative bilang Gawad Galing Coop Leader habang si Jon Louie Santiago, Municipal Cooperative Development Officer ng Marilao bilang Gawad Galing Coop Officer, na parehong tumanggap ng tropeo at P30,000, gayundin binigyang parangal ang Municipal Cooperative Development Council ng Marilao bilang Gawad Galing Coop Council at nag-uwi ng tropeo at P50,000.
Pinarangalan din ng GGK ang Bagong Barrio Multi-Purpose Cooperative, Pandi bilang Gawad Galing Kooperatiba Ginintuang Huwaran.
Ipinagmalaki naman ni Fernando na mapalad ang Bulacan na maging tahanan ng maraming kooperatiba at hinikayat ang mga ito na patuloy na maging inspirasyon sa iba.
“Salamat dahil may mga katulad ninyong nagpupunyagi para matulungan ang ating mga kababayan, ang ating lalawigan,” ani Fernando.
Kaugnay nito, sinabi ni Cong. Jose Antonio Sy-Alvarado ng Unang Distrito ng Bulacan na malaki ang naitutulong ng mga kooperatiba sa lalawigan sa pagbaka sa kahirapan na pangunahing kalaban ng ating lipunan sa ngayon. A. BORLONGAN
Comments are closed.