MGA KOOPERATIBA SA BULACAN, KUMILOS KONTRA CLIMATE CHANGE

BULACAN CAPITOL

CITY OF MALOLOS – Sa layuning makapag-ambag upang maagapan ang lumalalang epekto ng climate change, inilunsad ng Provincial Cooperative Development Council-Bulacan, sa pakikipagtulungan sa Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) at Municipal Cooperative Development Council (MCDC) ng Hagonoy ang “Mangrove Tree Planting and Coastal Vegetation Project” noong Abril 16, 2019 sa Hagonoy, Bulacan.

Bilang panimula, 500 mangrove seedlings at 300 mangrove propagules ang itinanim sa 10-ektar­yang bakawan sa Brgy. Tibaguin sa bayan ng Hagonoy bilang bahagi ng mas malaking proyekto na “Cooperative Crusade to Curb Climate Change” o ang “C5 Project”.

Naisakatuparan ang proyekto sa pagtutulungan ng PCDC-Bulacan, PCEDO at MCDC-Hagonoy na sinuportahan ng Sangguniang Barangay ng Tibaguin, na naglalayong pagtibayin ang isa sa pitong prinsipyo ng kooperatiba na nagpapahalaga sa komunidad bilang ba­hagi ng mahalagang adbokasiya na buhayin, i-rehabilitate ang mga bakawan, pagyamanin ang biodiversity protection at pagtatanim sa mga coastal area.

Ayon kay Jerry Caguingin, pinuno ng dibisyon ng Cooperative Development ng PCEDO, isang malawak na palaisdaan ang mangrove sanctuary dati bago ito masira ng bagyo noong taong 2011 at ang muling pagsasaayos ng buong lugar ay makatutulong hindi lang sa mga mangingisda pati na rin sa mga taong nakatira malapit sa mga bakawan.

“Malaki ang maitutulong ng mangroves. Bukod sa nagsisilbing tirahan ito ng crabs, reefs, oysters, mga isda at iba pang marine animals, nade-delay nito ang takbo ng hangin, kontrolado nito ang tides at maging ang carbon dioxide,” ani Caguingin.

Samantala, sinabi ni Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado na dapat magtulungan at kumilos ang mga Bulakenyo, kahit saan mang sektor sa lipunan o antas sa komunidad nabibilang, upang mapigilan ang epekto ng pabago-bagong panahon.

“Ang climate change ay isang problemang hinaharap ng bawat isa, ano man ang katayuan sa komunidad o saang lokasyon man sa mapa. Isa itong isyu na dapat nating tugunan, lahat tayo ay dapat makipagtulu­ngan upang makontrol ang mga epekto nito sa atin. Kaya naman aking pinupuri ang mga kooperatiba sa ating pro­binsiya sa pagsasagawa ng ganitong proyekto,” ani Alvarado.

Sa pagpapatuloy ng adbokasiyang ito, libo-libo pang mangrove propagules ang inaasahang maitatanim pagpasok ng Nobyembre o Disyembre 2019 kung saan kasama ang lahat ng mga koope­ratiba sa Bulacan. A. BORLONGAN

Comments are closed.