INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., na naglunsad ang law enforcement authorities ng isang bagong programa sa “drug war” sa pamamagitan ng mga pisikal na aktibidad at kooperasyon mula sa grassroots level upang hadlangan ang paggamit ng iligal na droga at protektahan ang buhay ng sambayanan nitong Sabado.
Sa nasabing programa, libu-libo ang dumalo mula sa iba’t ibang mga barangay at simbahan mula sa Metro Manila ang dumagsa sa Quezon Memorial Circle para makilahok sa zumba at walkathon, bandang ala- 5 ng umaga.
Anang DILG, layunin ng kanilang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) program na i-clamp down ang demand ng iligal na droga sa pamamagitan ng mga komunidad.
“Hindi tayo titigil, hindi lang malalaking isda. Ang importante ‘yung tinatawag na demand reduction, yung gumagamit ng droga. What is more important is the whole of nation approach… pupunuin namin ang mga kulungan ng mga pusher,” pahayag ni Abalos.
Giit ni Abalos, ang drug war sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay dapat na nakasalalay sa karapatang pantao at sa Konstitusyon.
Aniya, sa kanilang programa ay pinaghalo ang “spiritual guidance” at “physical activities” sa mga komunidad, at hinihingi umano niya ang suporta ng mga simbahan para sa paglaban sa ilegal na droga.
Sinabi ng kalihim, na bagamat malambot ang pamamaraang ito, ang kanilang laban sa mga drug pushers ay magkakaroon pa rin ng parehong intensidad kumpara sa nakaraang administrasyon.
“Gagawin namin ang lahat para matigil ang droga. Kung nagkamali ka, huli ka,” dagdag ng DILG chief.
Ikinatuwa naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang drug war approach ng administrasyon, ngunit hiniling sa mga awtoridad na tiyakin pa rin na hindi dapat pilitin ang mga gustong magpa-rehabilitate.
Nabanggit din nito na ang mga aktibidad na ito ay dapat na naaayon sa international human rights standards.
EVELYN GARCIA