MGA KUMUKUWESTIYON SA INTEGRIDAD NG ELEKSIYON, POSIBLENG MAKASUHAN  – COMELEC

HINDI inaalis ng Commission on Elections (Comelec) ang posibilidad na makasuhan ang sino mang nagpapahayag ng pagdududa sa integridad ng May 9 national at local elections lalo na kung labis nang mapanira.

Ipinahayag ni Comelec Commissioner George Garcia na bagamat paiiralin pa rin ng poll body ang “maximum tolerance” laban sa mga nagbabato ng akusasyon, maituturing na huling hakbang o last resort ang paghahain ng kaso.

“Kahit sino pwede namang mag-file ng kaso laban sa amin, pupuwede rin kaming mag-file ng kaso doon sa mga talagang nagsa-sabotahe. Pero sa akin, that will have to be exercised sa extreme na, ‘yung talagang sobra na, ‘yun bang talagang kakaiba na ‘yuung nangyayari at ginagawa na kinukwestiyon na ‘yung integridad ng ating halalan,” diin ni Garcia.

“That should be the last weapon and the last resort that the Comelec should be doing. At this point, maximum tolerance,” dagdag nito.

Binigyang-diin ni Garcia na bukas sa mga pagbatikos ang Comelec hangga’t hindi ito maituturing na fake news.

“Ako personally, sa akin naman po, welcome na welcome po ang lahat ng komento at welcome na welcome ang lahat ng pagtuligsa sa Commission on Elections. ‘Yan po ay welcome dahil ‘yan ay nakakatulong sa amin, nakaka-lead sa amin kung ano ang dapat gawin. Basta lang po, ‘yung tunay lang, ‘wag ‘yung fake news,” pahayag pa ni Garcia.

Kasabay nito, iginiit ni Garcia na makabubu­ting tumutok ang publiko sa mga impormasyon mula sa mainstream media at hindi agad maniwala sa mga impormasyon sa social media.

Nauna nang binuo ng Comelec ang Task Force Kontra Fake News upang labanan ang pagpapakalat ng maling impormasyon upang masira ang kredibilidad ng proseso ng eleksyon sa bansa. JEFF GALLOS