MGA LABAN SA MERALCO UMAYOS NAMAN KAYO

Magkape Muna Tayo Ulit

AYAW ko sanang patulan ang grupong ito. Dahil sa totoo lang, tanggap na ng iba na may mga tao o grupo na sarado na ang isipan kahit ano pang klaseng paliwanag o magandang gawain ang iyong ibigay. Kumbaga, sa­yang lang ang igugugol mong panahon sa mga taong hindi marunong tumanggap ng paliwanag.

Subalit ang Power for People Coalition o P4P ay naglabas ng pahayag kamakailan at binatikos ang polisiyang inilabas ng Meralco na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lahat ng kanilang pasilidad upang makatulong sa kalusugan ng kanilang mga empleyado. Alam naman natin lahat ang panganib at sakit na maaaring maidulot ng paninigaril­yo batay sa mga resulta sa medisina.

Aba’y ginamit itong magandang hakbang ng Meralco at idinikit sa kanilang adhikain laban sa paggamit ng coal plants. Hay, naku. Ano ba ‘yan? Kung ganito ang argumento ng P4P, bakit ayaw nilang katigan ang ginagawa ng pamahalaan sa moder­nisasyon ng mga lumang sasakyan na nagdudulot ng mas grabeng polus­yon sa ating kapaligiran? Mas malinaw na mas nakaaapekto sa ating kalusugan ang mga maitim na usok na ibinubuga ng mga lumang jeep, bus at truck sa ating lansangan.

Sana naman ay ihiwalay ang isyu tungkol sa krusada nila laban sa coal plant sa kapakanan ng karamihan sa masamang idinudulot ng paninigarilyo. Ang ginawa nilang pahayag, kung aking ihahambing sa larong basketbol, ang tawag dito ay ‘charging foul’. Pilit na pilit ang nais nilang ituhog laban sa Meralco.

Nauunawan ko naman ang kanilang krusada. Tayo ay mala­yang ipahayag ang ating saloobin. Demokrasya ang tawag dito. Subalit kailangan ay responsable rin tayo sa mga inihahayag natin sa publiko.

Malinaw na ang kanilang target ay Meralco lamang. Wala nang iba. Ginagamit lamang nila ang kanilang grupo na ang adyenda ay bakbakan lamang ang Me­ralco. Sa totoo lang, ang nais lamang nilang ipatigil ay ang planong pagtatayo ng isang coal plant sa Atimonan, Que­zon kung saan kasama rito ang Meralco.

Bakit ayaw nilang batikusin ang ibang mga korporasyon na nagtatayo ng iba pang coal plants? Bakit sa Meralco lang sila nakatutok? Ito nga ang sinasabi ko. Mahirap magpaliwanag sa nilalang na sarado ang pag-iisip.

Malinaw na ang puntirya lamang ng P4P ay ang Meralco. Akalain ninyo, naisip pa nilang ituhog ang isyu ng ‘no smoking’ sa planong pagtatayo ng Atimonan coal plant. Ngayon…kung ito ang kanilang adyenda, kapani-paniwala ba ang kanilang grupo? Hmmmm, medyo kaduda-duda na. Para sa ‘people’ ba ang kanilang krusada o para lamang sa iilan?  P4P… Power for People Coalition. Parang hawig sa People Power Coalition ng mga dilawan?

Wala talaga sa hulog. Ayaw ko sanang patulan, subalit kailangang maibigay ko ang opinyon ko rito sa pahayag ng P4P at pag-isipan kung talagang nais nilang maging kapani-paniwala sa kanilang krusada.

Biruin ninyo, sabi nila “coal is to Earth what smoking is to lungs” sabay ang pinuntirya lang nila ay ‘yung planong coal plant sa Atimonan. Bakit hindi sila nagbanggit ng ibang coal plants? Teka, kita tali!

Comments are closed.