MGA LABI NG OFWs SA SAUDI IUUWI NA

SEC BELLO III-A

INAASAHAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) na matutuloy na sa linggong ito ang pag-uwi sa bansa ng mga labi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa Saudi Arabia.

Gayunman,  taliwas sa naunang plano ay magiging ‘by batch’ na lamang ang gagawing pagpapauwi sa mga labi.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang unang batch ng mga labi ay inaasahang darating ngayong Biyernes, Hulyo 10.

Kabilang, aniya,  rito ang 44 na labi mula sa Riyadh at Al Khobar.

Ang 19 sa mga ito ay napaulat na binawian ng buhay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), habang 25 naman ay dahil sa iba pang sakit o kadahilanan.

Samantala, sa Linggo, Hulyo 12, naman inaasahang darating sa bansa ang isa pang batch ng mga labi ng OFWs na mula naman sa Jeddah.

Kaugnay nito, humingi si Bello ng paumanhin sa mga kaanak ng mga nasawing OFW dahil hindi kaagad naiuwi sa bansa ang mga labi ng mga ito.

Paliwanag niya, gustuhin man nilang maiuwi nang sabay-sabay sa bansa ang mga labi ng mga OFW ay hindi nila kinaya dahil nahirapan sila sa pagkumpleto ng mga kinakailangang dokumento.

Tiniyak naman ng kalihim na lahat ng labi ng mga OFW ay maiuuwi sa bansa.

Nangako na rin, aniya, ang Saudi government na hindi na basta maglilibing ng labi ng OFW nang walang paalam.

Una nang sinabi ni Bello na sa 23 nasawi dahil sa COVID-19 na inilibing ng gobyerno ng Saudi, tatlo sa mga ito ang hindi ipinaalam sa kanilang mga pamilya.

Dahil naman sa iisang eroplano na lamang isasakay ang labi ng mga nasawi sanhi ng virus at mga nasawi dahil sa iba pang sakit, hindi na papayagan ng DOLE na magtungo ang kaanak ng mga ito sa Villamor Airbase kung saan lalapag ang eroplano.

Sa kabuuan, 274 labi ng mga OFW ang iuuwi ng gobyerno sa bansa mula sa Saudi kung saan 123 sa mga ito ang namatay dahil sa COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.