MGA LABIS NA CONSTRUCTION VEHICLES SA QC, PAPALITAN AT IPAGKAKALOOB SA MMDA

QCED

Natuklasan ng mga opisyal ng Quezon City Engineering Department o QCED na marami sa mga construction vehicles na nabili ng nakaraang administrasyon ang hindi angkop para sa pangangailangan ng lungsod, at samakatuwid ay hindi nagagamit.

Karamihan sa mga units mula sa nakaraang administrasyon ay nakahanda nang itapon, dahil bukod sa luma, ay mahal din ang maintainance ng mga ito. Ayon kay QCED Officer-in-charge Isagani R. Verzosa Jr., masyadong malaki ang mga units para sa mga operasyon sa lungsod, at walang proyekto ang kasalukuyang pamahalaan na nangangailangan ng road grading at base compaction units. “Ang mga malalaking equipment na hindi na magagamit ay dapat nang palitan ng mga bago at mas maliliit na unit na suitable para sa city operations,” paliwanag niya.

May tatlong gumagana, ngunit hindi nagagamit, na road-levelling at base-compacting units na nabili noong 2016 at 2017. Bukod dito, kabilang ang Batienag 4WD o Walking Excavator, sa mga makinaryang gumagana ngunit hindi nagagamit. Inirekomenda ni Versoza na ibigay na lamang ang nasabing unit sa Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil gumagamit din ang ahensya ng kaparehong equipment, sa kundisyon na gagamitin lamang ito para sa mga operasyon sa Quezon City.

Ang mga hindi nagagamit na units ay papalitan ng apat na bago at mas matipid na equipment. Aabot naman sa labing-dalawang units na hindi na maipapaayos ang itatapon. “Yung ibang equipment halos bago pa. May mga contractors na nais bumili dahil mas magagamit ang mga makinaryang ito bilang construction equipment, hindi pang maintainance equipment. ‘Yong mga luma naman ay itatapon na at ire-recycle,” dagdag ni Versoza.

Nagsimula noong nakaraang taon ang mga pagpupulong sa pagitan ng QCED at MMDA. Kasalukuyang pinoproseso ng lungsod ang Deed of Donation at inaasahang maipapasa ito sa MMDA bago matapos ang taon.

Comments are closed.