PINAYUHAN ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mga kalalakihan na mag-ingat laban sa paggamit ng isang brand ng men’s food supplement na ginagamit para sa erectile dysfunction.
Sa advisory na inilabas ng FDA, nabatid na isang batch ng Bravo Food Supplement for Men, Maca + Jatropha + Corynaea Crassa, ang natuklasang may sangkap na “Tadalafil” na mapanganib umano sa mga taong may problema sa puso, gayundin sa mga taong dumanas ng stroke, severe vision loss, stomach ulcer, kidney problem, liver problem, bleeding problem, blood cell problems at yaong may low at high blood pressure.
Ilan pa umano sa mga side effect nito ay indigestion, muscle ache, flushing, back pain, stuffy o runny nose, at pananakit ng ulo.
Pahayag ni acting FDA chief at Health Undersecretary Eric Domingo, na ang pag-inom ng Bravo supplement na may lot ABV38F26T at expiration date na Feb. 26, 2021 ay maaaring makasama sa kalusugan.
Nabatid na ang “Tadalafil” ay isang prescription drug na gamot para sa problema sa sexual function ng kalalakihan gaya ng impotence o erectile dysfunction.
Paalala pa ng FDA, kung may problema sa erectile dysfunction ay mas makabubuting kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng kung ano-anong food supplement. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.