MGA LIBRONG PAMBATA PARA SA DAVAO

NOONG nagretiro si Chef David Wasson mula sa kanyang propesyon sa Seattle, Washington, nagdesisyon siyang manirahan sa Davao, Philippines.

Dito niya napansin na marami sa mga bata ang may kakulangan sa nutrisyon at tamang pagkain. Kaya naman naisipan niyang itatag ang Tagum City Children’s Relief, Inc. (TCCRI).

Sa loob ng 13 taon, nagluluto linggo-linggo si Chef David sa iba’t ibang lugar sa Tagum gamit ang isang multicab jeep at mga kasangkapan. Pinakakain niya ng masustansiya at libreng tanghalian ang mga bata sa Tagum upang maalagaan ang kanilang kalusugan. Sa ngayon, limitado ang kilos ni Chef David dahil sa isang karamdaman ngunit patuloy pa rin ang pag-aaruga ng TCCRI sa mga kabataan ng Tagum.

Kamakailan ay nanawagan siya para sa mga donasyon na librong pambata kagaya ng story books, coloring books, activity books, at iba pa. Ang mga ito ay para sa kanilang aklatan, upang hindi lamang katawan ang mabigyan ng sustansiya, kundi pati ang isipan ng mga kabataan. Kung nais mag-donate ng mga aklat pambata, mangyaring ipadala ang mga ito sa Tagum City Children’s Relief, Inc., Diamond St., Purok Cogon, Visayan Village, Tagum City 8100.

o0o
Sa darating na Linggo, ika-30 ng Abril, ay ipagdiriwang sa buong mundo ang taunang World Tai Chi and Qigong Day. Dito sa Pilipinas, may mga grupo at indibidwal ding nagdiriwang nito. Isa na rito ang Peace Blossoms Internal Arts Society na regular na nagdaraos ng tai chi at qigong sessions sa UP Diliman tuwing Linggo ng umaga. Ang lahat ay inaanyayahan nilang makiisa sa pagdiriwang nitong Linggo sa ganap na alas-730 ng umaga sa likod ng Quezon Hall (sa may Oblation). Mangyaring magsuot ng komportableng kasuotan at sapatos at magdala ng kani-kaniyang tubig inumin.