HINIMOK ng tagapangulo ng Civil Service Commission (CSC), Chairperson Karlo Alexei B. Nograles ang kanyang mga kapwa public servant na bigyang pagpapahalaga at tularan ang ibinahagi na pagmamahal sa Diyos at bayan ni Gat. Andres Bonifacio.
Ginawa ng CSC head ang pahayag kasabay sa ginugunita ng buong sambayanan sa araw ng kapanganakan ng tinagurang “Ama ng Himagsikang Pilipino”, ang “Supremo” o pinuno ng Katipunan na si Bonifacio kahapon.
“Sa natatanging okasyon na ito, hinihimok ko ang lahat ng lingkod bayan na sariwain ang mga aral ng pakikibaka ng ating mga bayani tungo sa kalayaan. Bagama’t ang pagsisilbi sa bayan sa makabagong panahon ay may kalakip na ibang uri ng mga hamon at kaaway,” ang bungad na pahayag ni Nograles.
“Tinatawagan tayo na tularan ang mga pagpapahalaga na ibinahagi sa atin ni Bonifacio—ang pagmamahal sa Diyos at bayan, katapangan, maayos na pamumuno, at determinasyon upang malagpasan ang mga hamon ng buhay.” Dugtong ni Nograles.
Umaasa ang CSC chairperson na ang pamana ni Bonifacio ay magpatuloy sa puso’t-isipan ng bawat isa, lalo na sa hanay ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan habang pinaglilingkuran nila ang mga kapwa Pilipino nang may buong husay, katapatan, at dedikasyon. ROMER R. BUTUYAN