UMAPELA si House Deputy Majority Leader Ron Salo kay Pangulong Rodrigo Duterte na maideklarang nasa ilalim ng ‘state of emergency’ ang mga lugar sa bansa na grabeng naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Kasabay nito, hiniling din niya na gamitin ang nasa $500 million ‘disaster relief fund’ na mula sa World Bank (WB) bilang pantulong sa mga indibidwal, pamilya o samahan na nasira ang kabuhayan dala ng matinding tagtuyot.
“I appeal to President Rodrigo Duterte to declare a state of emergency over areas severely affected by El Niño so that disaster relief funds can be immediately released to bring direct aid to families hit by the drought,” ang naging pahayag pa ng ranking house leader.
Giit niya, pangunahing nasalanta ang mga nasa sektor ng agrikultura, na nasira ang pananim at mistulang napeste naman ang mga alagang hayop bunsod ng matinding tag-init.
“The effect of El Niño-induced drought is nationwide, and the primarily agricultural areas of the country are more severely affected,” sabi ni Salo.
Ayon sa partylist lawmaker, mismong ang Department of Finance (DOF) ang nagpahayag na mayroong nakahandang disaster relief funds ang WB at maari itong magamit ng Filipinas kung kinakailangan.
“Now would also be a good time to tap the $500 million disaster relief fund of the World Bank which the Department of Finance said is available when needed. We need that now,” giit niya.
Sa report kay Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ni Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) President Jovy Bernabe, umaabot sa P420 million ang nakatakda umanong ipamahagi ng kanilang ahensiya para sa may 36,338 farmers na nagsumite ng crop insurance claim.
Bunsod sa inaasahang pagtagal pa nang epekto ng El Niño sa bansa, sinabi ng PCIC na hindi malayong madadagdagan din ang bilang ng mga magsasaka na hihingi ng ayuda mula sa gobyerno.
Base sa datos ng DA, hanggang noong Marso 11 ay tinatayang nasa P464.3 million na halaga ng bigas at mais ang nasira dala ng tagtuyot.
Kaya naman mahigpit ang panawagan ni Salo para sa kaukulang aksyon ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan lalo na upang maibsan ang epekto ng El Niño partikular sa kabuhayan ng mga nasa agriculture sector. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.