MGA LUGAR NA DARAGDAGAN NG PUWERSA ‘DI SAKOP NG MARTIAL LAW

martial law

NEGROS OCCIDENTAL – PINAWI ng Philippine Army ang pangamba ng mga residente sa mga tinukoy na lugar ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na posib­leng maapektuhan ng pagpapalawig ng martial law.

Alinsunod sa Memorandum Order No. 32, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ng dagdag na puwersa ng sundalo at pulis sa Negros Occidental, Negros Oriental, Samar at Bicol.

Habang kasalukuyan namang isinusulong na palawigin ng isa pang taon ang Batas Militar sa Min­danao dahil sa banta ng terorismo.

Ayon kay Philippine Army public affairs chief Lt. Col. Louie Villanueva, inihayag nito na mayroon nang itinalaga na tropa ng militar at pulis para sa Negros Island, Samar at Bicol.

Aniya, dagdag lamang para sa security measures na pinapairal sa bansa ang nasabing memorandum at ang rekomendasyon ni Armed Forces of the Philippines chief Gen. Carlito Galvez kay Pangulong Duterte na palawigin ang Martial Law sa Mindanao.

Sa ngayon, patuloy ang kanilang coordination meeting kasama ang Philippine National Police para sa dagdag na deployment ng tropa ng militar at pulisya sa nabanggit na mga lugar.   AIMEE ANOC

Comments are closed.