MGA LUMANG DAM AYUSIN

Imee Marcos

KUMBINSIDO si Senadora Imee Marcos na deka-dekadang kapabayaan sa mga dam at iba pang mga impraestruktura sa tubig ang dahilan para madale ng mga flash flood ang mga probinsiya ng Cagayan at Isabela.

“Ibinalik lang ng bagyong Ulysses ang karanasan ng Ondoy. May natutunan naman ang ating gobyerno na paghahanda ng mas maaga pero kinulang pagdating sa lawak ng sakuna,” giit ni Marcos.

“Ang 38 taon nang Magat Dam at iba pang mga lumang dam ay deka-dekada nang hindi na-upgrade o nagkaroon ng improvement, nakalbo  na rin ang mga watershed sa paligid nito, at posibleng bumigay ang Magat kung ‘di agad pinakawalan ng tubig,” ani Marcos.

“Magpapabalik-balik lang ang mga kalamidad, pagpa-panic at pagdurusa maliban na lang kung ipapaayos o iimprove ang mga water infrastructure sa bansa,” diin ni Marcos.

Dahil dito, maghahain si Marcos, chairman ng Senate Commitee on Economic Affairs, ng panukalang i-improve ang mga water facilities at resources sa bansa at balasahin ang pamunuan nito sa gitna ng mga hamon sa paglobo ng populasyon at climate change.

“Ang krisis sa tubig ay magiging deka-dekada nang krisis: tulad ng pagbaha, kakapusan ng tubig, pangangailangan sa rainharvest infrastructure, management. Kagyat ito na dapat na matugunan ang hamon ASAP,” babala ni Marcos.

Sa populasyon na halos 12 million at patuloy pang lumalaki, kailangan ng Metro Manila ng mas malaking water supply kumpara sa kayang ibigay ng 52-years old na Angat Dam, sinabi ni Marcos.

“Sa mga nakalipas na taon, naging madalas ang rasyon ng tubig na maaring lumala dahil sa pag-iingat sa kalusugan lalo sa panahong may pandemya tulad ng Covid-19,” dagdag ng senadora.

Bukod sa pag-upgrade sa mga dam, nais din ni Marcos na buhayin ang flood control projects tulad ng ‘di natapos na Paranaque Spillway na noon pang 70’s naisipan at ang dredging ng Laguna Lake na inabandona noong 2011, upang pigilan ang mga pagbaha sa Metro Manila at karatig probinsya.

Iginiit din ni Marcos na puwedeng makinabang ang bansa mula sa bagyo kung makalilikha tayo ng rainharvesting facilities na hindi lang makababawas ng pagbaha kundi makadadagdag pa sa patubig para sa irigasyon ng mga magsasaka, fish farming, at maging sa urban sanitation bilang pambuhos sa mga inidoro.

Wala pang 10% ng tubig ulan sa bansa ang napakikinabangan, kung saan malaking bahagi nito ay dumi-diretso lang sa dagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

“Kailangan din natin ng iba pang impraestruktura, tulad ng Candaba Viaduct na itinayo noon pang 1976, para ‘di mapatid ang pagbiyahe at pagnenegosyo kahit pa may malalakas na buhos ng ulan,” ani Marcos.

“Panahon na para magkaroon ng Department of Water Management, o kahit anong kahalintulad nito na may seryosong mandato, na mangunguna sa pagsasama ng mahigit 30 national bodies na halos magkaka-pareho lang mula DENR, DAR, DPWH, MWSS, NWB, at iba pa, di pa kasama d’yan ang napakaraming local water boards,” pagtatapos ni senadora. VICKY CERVALES

Comments are closed.