MGA LUMANG VCM HINDI NA GAGAMITIN

IKINOKONSIDERA na rin ng Commission on Elections (Comelec) na mapalitan ang mga luma nang vote-coun­ting machine (VCMs) kasunod ng mga ulat na pumalya ang ilan sa mga ito sa kasagsagan ng 2022 national at local elections.

Ayon kay Commissioner Marlon Casquejo, posibleng ngayong eleksyon na ang huling paggamit ng mga VCM at hindi na aabutin ng 2025 elections.

Kahit aniya maliit lang ang ibigay na badyet para sa Comelec, kanilang ipipilit na hindi na gamitin ang mga lumang VCM.

“Sa tingin ko ito na ‘yung last dance ng ating mga vote-counting machines. Hindi na natin gagamitin ito in 2025 elections kasi kahit sabihin na kaunti lang ang budget na ibigay for 2025 but we will insist na we will not use anymore these VCMs for the succeeding elections,” ani Casquejo.

Sinabi ni Casquejo na kahit ang Commission on Audit (COA) ay nagrekomenda ng parikular na lifespan o itatagal ng mga makinang ginagamit ng gobyerno na karaniwang hanggang limang taon bago palitan.

“Kumbaga ito, hanggang dito lang ang kaya ni vote-counting machines, lifespan. Kahit sa COA rules, may lifespan ang ating mga technical machines… five years lang dapat idi-dispose na ‘yan e. Ito aabot na ng nine years,” dagdag ni Casquejo.

Sinabi naman ni Commissioner George Garcia na kahit pa isinalang sa final testing and sealing ang mga VCM, hindi ito garantiya na walang magiging pagpalya sa araw ng eleksyon.

“Siyempre ang pagte-test at seal hindi guarantee na hindi papalpak o magkakaroon ng problema kahit po bagong sasakyan na kapag kukuhanin mo na tiyaka mo makikita kung may sira e yun pa kayang matanda nang machine,” ani Garcia.

“Talaga namang ina­amin ng commission na medyo may edad na itong makina natin pero guma­gana at nakakabilang nang tama yon ang pinaka-importante,” dagdag nito.

Sapat na rin aniya ang mga naging karanasan ngayong eleksyon para gumamit na ng mga bagong makina sa susunod na mga botohan sa bansa.

“Definitely po because of these experien­ces that we have right now, tamang-tama na po siguro na sa susunod na­ting halalan, dapat naman na may bago na tayong makina na gagamitin para sa ating halalan,” punto pa ni Garcia.

Kasabay nito ang depensa ni Garcia na noo’y pa man ay binalak na rin ng Comelec na magkaroon ng mga bagong vote counting machines ngunit sadyang mahirap na makakuha ng sapat na pondo para rito.

“Sa ating pagkakaalam, dahil siyempre tayo ay bago dito sa Komisyon, ay naipursigi naman ng Comelec na magkaroon tayo ng mga bagong makina. Kaya lamang po, sadyang sa kakulangan ng budget na naibigay sa atin, ay hindi po natin kinaya na makabili o makapag-secure ng bagong makina,” ani Garcia.  JEFF GALLOS