MGA MADALAS NA ITANONG HINGGIL SA WIKANG PAMBANSA

BUWAN NG WIKA

MARAMI tayong mga katanungan, marami tayong bakit. Sa isang araw, hinding-hindi maaari na wala kang ni isa man lamang na katanungan. Ngayong taon, ang tema ng Buwan ng Wika na pinagtibay ng Kalupunan ng mga Komisyoner ng KWF ang Kapasiyahan Blg. 18-24 na nagpapahayag ay “Filipino: Wika ng Saliksik.”

Ang tema ay kumikilala sa wikang Filipino bilang midyum sa paglikha at pagpapalaganap ng pambansang karunungan at kaunlaran. Sa pamamagitan ng nasabing tema, layon ng KWF na palaganapin ang wikang Filipino sa iba’t ibang larang ng karunungan, lalo na sa agham at matematika.

Ksabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, sasagutin natin ang ilang ‘Bakit’ hinggil sa ating Wikang Pambansa na malamang ay naitanong mo na rin sa iyong sarili.

Una sa ating listahan ay: Bakit tuwing Agosto ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika?

Dahil nasa “labas ng taong pampaaralan” ang dating panahon ng pagdiriwang. Kaya inaasahan ang higit na partisipasyon ng mga paaralan dahil ang Agosto ay nasa loob ng taong pampaaralan.

MAIKLING ISTORYA NG PAGKAKABUO

Ang Pangulong Fidel V. Ramos ang lumagda sa Proklamasyon Blg. 1041 noong ika-15 ng Hulyo 1997 na nagde­deklara na tuwing Agosto 1-31 ay ipagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa. Ngunit bago natin ipagdiwang ito sa loob ng isang buwan, nauna itong ipinagdiriwang bilang Linggo ng Wika. Ito ay naglalayon na madiin ang halaga ng Wikang Pambansa at inaanyayahan na makibahagi ang pamahalaan at samabayanan sa pagpapatupad ng mga layunin nito.

Marso 26, 1946 naman nilagdaan ang proklamasyon na nakasulat sa Ingles na ang pamagat ay Proclamation No. 25 Des-ignating the Period from March 27 to April 2 of Each Year ‘National Language Week’. Si Pangulong Sergio Osmeña ang nagpasimula ng pagdiriwang na ito bilang pagsunod sa Batas Komonwelt Blg. 570 kung saan ang ating gobyerno ay dapat gumawa ng paraan para mapayabong ang Wikang Pambansa.

Marso 26, 1954 nang ilipat ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika dahil sa Proklama Blg. 12, “Nagpapahayag na Linggo ng Wikang Pambansa ang Panahong Sapul sa Ika-29 ng Marso Hanggang Ika-4 ng Abril Bawat taon.”

Setyembre 23, 1955 nabigyan ng bisa ang Proklama Blg. 18 na may pamagat na “Na Nagsususog sa Proklama Blg. 12 na may petsang Marso 26, 1954, sa Pamamagitan ng Pag­lipat ng Pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa Buhat Marso 29-Abril 4 sa Agosto 13-19 Bawat Taon.”

BAKIT MAY WIKANG PAMBANSA?

Dahil ang Wikang Pambansa ay nagmimithing mabilis magkaunawaan at sibulan ng damdamin ng pagkakaisa ang mga mamamayan na may iba-ibang wikang katutubo.

BAKIT TINAWAG NA WIKANG FILIPINO ANG WIKANG PILIPINO?

Dahil nais nitong ihiwalay ang Wikang Pambansa sa batik ng Tagalog na “Pilipino.” Nais nitong ipanukala ang saloobin na totoong pagyamanin at linangin ang Filipino bilang Wikang Pambansa sa pamamagitan ng katutubong wika.

Sa pamamagitan ng Kapasyahan Blg. 13-39, nagkasundo ang Kalupunan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang depenisyon ng Filipino:

“Ang Filipino ay ang katutubong wika na ginagamit sa buong Filipinas bilang wika ng komunikasyon, sa pagbigkas at sa pagsulat na paraan, ng mga pangkating katutubo sa buong kapuluan…”

BAKIT HINDI INGLES ANG NAGING WIKANG PAMBANSA?

Dahil hindi isinulong ang Ingles ng mga eksperto at pinunong Amerikano. Dahil marami ang kailangan isaalang-alang kung ang wikang Ingles ang gagawin nating wikang pambansa.

Pinag-aralan ng mga eks­perto noon ang malaking gastos nito para sa panig ng Estados Unidos. Ang pagpapadala ng mga guro upang magturo dito sa bansa.

Mas igiinit ang pangmatagalang benepisyo ng pagbuo ng isang wikang pambansa na mula sa ating katutubong wika. Ito rin ang magdudulot ng isang higit na demokratiko at epektibo ng eduksayon sa buong bansa.

BAKIT PINALITAN ANG ABAKADA NG ALPABETONG FILIPINO?

Dahil napatunayan ng saliksik at mga pangyayari na hindi sapat ang abakada para sa pangangailangang nakasulat ng isang Wikang Pambansa.

Ang abakadang ito ay Tagalog at may 20 titik. May mga tunog na hindi makatawan ng mga nasabing titik. Dinagdagan ito upang maging episyente para sa pagtuturo at pagsulat ng mga tunog na wala sa abakada.

Idinagdag ang mga titik ng alpabeto upang maisulat ang mga tunog na wala sa Tagalog ngunit ating binibigkas. Idinagdag ang mga letrang F, J, V, at Z na kumakatawan sa mga tunog na ginagamit sa Ivatan, Ibanag, Ifugaw, Kiniray-a, Mëranaw, Bilaan, at iba pang wikang katutubo. Ang walong kabuuang dagdag na mga titik sa alpabetong Filipino ay ang C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z na kasangkapang sa modernisasyon at intelektuwa­lisasyon ng ating wika.

Ilan lamang ang mga ito sa mga madalas na itinatanong hinggil sa ating Wikang Pambansa. Ngayong pagdiriwang ng ating wika, sikapin nating gamitin ito araw-araw. Hika­yatin natin na makibahagi sa mga inisyatibo ng mga kagawaran sa pagpapayabong sa ating Wikang Pambansa. Mas pagtibayin natin ang pakiki­pagtalastasan, pakikipagpalitan ng ideya sa wikang naiintindihan ng lahat. Maligayang Buwan ng Wika!

Source: Madalas Itanong Hinggil sa Wikang Pambansa/Frequently Asked Questions on the National Language ni Virgilio Almario salin sa Ingles ni Marne Kilates.  MARY ROSE AGAPITO

Comments are closed.