MISTULANG hindi na mapigilan ang patuloy na pagsirit ng presyo ng pagkain, lalo ng bigas at iba pang agricultural products, na pinalala pa ng epekto ng tagtuyot dulot ng El Niño phenomenon.
Ilan lamang ito sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng mga Pilipino, partikular ang mga kapos sa pambili, kaya naman hindi rin tumitigil ang gobyerno sa paglalatag ng mga solusyon.
Hindi nawawala sa mga hakbang ng pamahalaan ang patuloy na pag-aangkat o importasyon ng mga agricultural products.
Kamakailan ay naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Administrative Order No. 20 na layuning mapababa ang presyo ng mga nasabing produkto.
Sa ilalim ng AO 20, paluluwagin at pabibilisin ang importation process sa pamamagitan ng pagtanggal sa non-tariff barriers sa agri-commodities na naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng pagkain.
Hati naman ang opinyon ng mga nasa agri-sector gaya ng Samahang Industriya at Agrikultura (SINAG) na aminadong bagaman walang gaanong epekto ang AO sa bigas at karne, maaari itong makaapekto sa lokal na supply, lalo sa asukal at isda.
Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, ito ay dahil may itinatakda namang minimum access volume o tariff rate quota sa bigas, karneng manok at baboy.
Kumporme naman si Agricultural Alliance Sector of the Philippines Partylist Representative at Pork Producers Federation of the Philippines Chairman Nicanor Briones sa nasabing kautusan.
Ayon sa mambabatas, maaaring luwagan ang importation process basta’t may mga kondisyon at regulasyon upang hindi maabuso ng mga trader na ang ilan ay nagkukubli bilang smuggler.
Nangangamba naman si dating Agriculture Secretary at ngayo’y Federation of Free Farmers Cooperative President Leonardo Montemayor sa panibagong kautusan at iginiit na hindi maiiwasan ang magkaroon ng negatibong epekto ito sa mga local farmer dahil maaaring lalong bumaha ng mga imported agri-products na papatay sa lokal na agriculture sector.
Pawang mga trader lamang anya ang makikinabang sa nasabing kautusan at maaaring hindi naman makatulong upang mapababa ang presyo.
Kung si United Sugar Producers Federation of the Philippines President Manuel Lamata ang tatanungin, dapat pa ring magkaroon ng regulasyon sa pag-i-import ng asukal kahit inatasan mismo ni Pangulong Marcos ang Sugar Regulatory Administration na payagan ang direct importation upang mapabilis ang proseso ng pag-aangkat.
Kumpiyansa naman ang SIYASAT Team na dapat timbanging maigi ng gobyerno ang magiging positibo at negatibong epekto ng AO r 20.
Ang pagiging patas ng pamahalaan, partikular ng Department of Agriculture, sa mga mamamayan at mga food producer ang dapat manaig sa gitna ng kinakaharap na mga hamon sa supply at presyo ng pagkain sa bansa lalo’t mayroon pang El Niño phenomenon.