IDINEKLARA ng Department of Agrarian Reform (DAR) na handa na maging negosyante o agricultural entrepreneur ang mahigit kumulang 30 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa President Quirino, Sultan Kudarat sa Mindanao matapos makumpleto ng mga ito ang 25-session ng Farm Business School (FBS) na isang programa ng ahensya.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) Sarah Lauban, ang nasabing FBS program ay may 25 session, na nakatuon sa pagpapalakas at pagbibigay ng kakayahan sa mga ARBO upang tumaas ang kanilang mga kita.
Ito ay isang programa ng DAR na nagpapahusay ng kanilang kakayahan sa agri-entrepreneurship at itaguyod ang napapanatiling sama-samang pagsisikap sa pagbebenta ng mga ani ng mga magsasaka.
Paliwanag niya, ang programa ng FBS ay isang inisyatibang pang-edukasyon upang matulungan ang mga magsasaka na mapagbuti ang kanilang kakayahang pang-negosyo at pagpapatakbo ng negosyong pang-bukid. Nagbibigay-daan ito sa kanila na matutunan ang tungkol sa mga konsepto at kasanayan sa negosyo na may kaugnayan at mahalaga sa kanilang partikular na operasyon sa pagsasaka.
Ang 30 ARBs ay kinabibilangan ng Kalanawi II Farmers Association (K2FA), isang samahan ng mga magsasaka na inaalalayan ng DAR, kung saan nagpapakita sila ng masidhing interes sa programa at pinaka-kwalipikadong ARB organization (ARBO) na sumailalim sa programa batay sa assessment system at site validation ng ahensiya.
“Ang gawaing ito ay nagpapalakas sa mga ARB na magkaroon ng agri-entrepreneurship skills at ang pamahalaan ay mananatiling committed sa pagpapa-unlad sa kanila sa pamamagitan ng iba’t ibang interbensyon at suporta,” aniya.
Binigyang- diin din ni Lauban ang kahalagahan ng patuloy na good practices upang mas lalong umunlad ang kanilang organisasyon at umaasa siya na ang mga ARB ay tutulong na isailalim din ang mga susunod pang henerasyon ng mga mamumuno sa kanilang samahan upang maseguro ang kanilang kaunlaran.
Ang pagtatapos ng FBS ay dinaluhan nina OIC-PARPO II Abdullah Balindong, Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Rhea Marie Betque, OIC-CARPO Maria Cecilia Machan, Kalanawi II Brgy. Chairman Larry Sistoza, at iba pang DAR at lokal na opisyal, nitong Hulyo 15, 2024.
Samantala, nagkaloob naman ang Department of Science and Technology (DOST) ng mga portable solar drying equipment na nagkakahalaga ng P328,500 sa siyam na agrarian reform beneficiaries’ organization (ARBOs) sa Naga, Camarines Sur upang makatulong na mapahusay ang proseso ng pagpapatuyo at mapanatili ang kalidad ng bigas at iba pang produktong agricultural ng mga magsasaka, ayon kay Naga Provincial Agrarian Reform Officer Renato O. Bequillo.
Dagdag pa niya, ang bawat organisasyon ng magsasaka ay nakatanggap ng isang Portable Solar Dryer-Grains Thermal Drying Tray (Portasol-GTDT), kung saan ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P36,500, sa ilalim ng Grant-in-Aid program ng DOST.
Ang Portasol-GTDT ay kayang magpatuyo ng hanggang 150 kilo ng bigas kada araw, na epektibong nagpapababa ng moisture content sa ligtas na antas ng imbakan, kaya’t pinapataas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pinahusay na kalidad at pinaliit na pagkalugi. MA. Luisa Macabuhay Garcia