NASA 47 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na magsasaka mula sa Tanay, Rizal ang nakatanggap ng certificates of land ownership awards (CLOAs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) mula sa Barangay San Luis, Antipolo City matapos ang 14 na taon na legal na pakikipagtunggali laban sa isang pribadong korporasyon.
Saklaw ng nasabing mga CLOA ang mga lupain na dating pag-aari ng Philippine Guarantee Corporation (PGC).
Sinabi ni DAR Undersecretary for Field Operations Kazel Celeste na ang dahilan ng matagal na pagkaantala ng pamamahagi ng lupa ay dahil sa petisyon ng may-ari ng lupa na hindi dapat saklawin ang ari-arian sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na nagsasabing ang mga lupain ay hindi angkop para sa agrikultura.
Sinabi ni Celeste na ang petisyon ay tinanggihan ng DAR CALABARZON Regional Office Director at pinagtibay ng Office of the DAR Secretary, Office of the President, at Court of Appeals.
“Pagkatapos ng mahaba at nakakapagod na legal na labanan sa pagitan ng mga magsasaka at ng may-ari ng lupa, nanaig din sa huli, na mapasa-ilalim ang lupain sa CARP,” ani Celeste.
Ipinaliwanag ni Celeste na naglabas ang Land Bank of the Philippines ng Memorandum of Valuation at kalaunan ay Sertipiko ng Deposito sa pangalan ng may-ari ng lupa, na naging daan para sa paglipat ng titulo sa pangalan ng Republika ng Pilipinas.
Labis na ikinatuwa ng 47 ARBs nang sa wakas ay naipamahagi na sa kanila ng DAR ang CLOA ng naturang lupain, sa pangunguna ni Celeste at DAR Regional Director Macdonald Galit.
“Masayang masaya ako nung natanggap ko ang CLOA. Pagkatapos ng maraming laban, sa wakas ay amin na ang lupain. Salamat, Pangulong Marcos, at salamat din sa DAR sa pakikipaglaban para sa aming mga karapatan,” ani ARB Romulo Perez, na nagsasalita sa ngalan ng kanyang mga kapwa ARB.
Giit ni Celeste, binati ng mga kawani ng DAR ang mga bagong may-ari ng lupa dahil nakalaya na sila sa pasanin sa pagbabayad ng upa para sa paggamit ng lupa gayundin sa takot na mapatalsik bilang nangungupahan.
“Ang mga CLOA ay patunay na sila na ngayon ang may-ari ng lupang kanilang binubungkal na ibinigay ng gobyerno sa pamamagitan ng DAR,” ani Celeste.Ang CLOA Distribution ay ginanap sa
Tanay municipal covered court. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia