TODO kayod ang vegetable farmers sa Benguet matapos bumuti ang panahon para mabawi ang nawala sa kanilang halos P73.7 milyong halaga ng pinsala sa agrikultura bunsod ng mga pag-ulan na dulot ng habagat.
Dahil sa mga nasirang pananim ay hindi na sapat ang kanilang suplay ng mga gulay kaya hindi maiiwasang magtaas ng presyo.
Umaasa naman sila sa pagdating ng state of calamity fund na gagamitin nila sa pagbili ng pamprotekta sa mga gulay gaya ng plastic tunnel.
Bukod sa umaakyat na presyo ngayon ng siling labuyo, sumusunod na rin ang letsugas dahil sa ito ang matinding napinsala sa mga pananim.
“Kung malakas ‘yung ulan, masisira itong dahon. Hindi tulad ng repolyo na makapal ‘yung dahon. Manipis kasi ito, parang petchay din,” paliwanag ni Celia Tinioso, isang vegetable farmer sa probinsiya.
Matatandaang sa nakaraang ulat, mataas na rin ang presyo ng ilang mga gulay sa La Trinidad trading post ganoon din sa Baguio.
Samantala, sa Laoag City naman ay bumaba ang ilang presyo ng gulay gaya ng okra, ampalaya at talong na noon ay P80 ang kilo ngayon ay P50 kada kilo na lang at ang kamatis na dati ay P100 ang presyo kada kilo mabibili na lang sa halagang P70 kada kilo ngayon na dahil daw sa pagganda ng panahon kaya umayos ang ani at pawang mga locally produced lang ang nabibili sa kanilang mga palengke.
Giit naman ng Department of Agriculture, hindi nila kontrolado ang presyo ng mga gulay ngunit base naman sa kanilang monitoring ay tanggap pa rin ang presyuhan sa mga ito.
‘’May nagsu-supply daw sa kanila na mataas daw ‘yung buying price nila kaya ganoon din ‘yung tinda nila sa retail,’’ dagdag pa ni Jerry Damoyan, Chief, Agri-Business and Marketing Assistance Division-DA. LYKA NAVARROSA
Comments are closed.