UMARAY na ang mga magsasaka sa tatlong bayan sa Pangasinan dahil sa pahirapan pa rin ang suplay ng tubig sa mga palayan sa kanilang mga lugar.
Kasunod ito ng pagka-ubos ng tubig sa Agno river irrigation system makaraang magsara ng apat na araw ang San Roque Power Corporation para sa emergency maintenance noong February 15 hanggang 18.
Ayon kay Pangasinan Federation of Irrigators Association President Ernesto Pamoceno, gumagamit sa ngayon ng mga water pumps ang mga magsasaka sa bayan ng Mapandan, Sta. Barbara at Malasiqui para hindi tuluyang matuyot ang kanilang mga palayan.
Aniya, nananatiling hindi sapat ang nakukuha nilang tubig mula sa San Roque dam.
Sinabi naman ni Cipriano Yabut, hepe ng Agno Sinocalan at San Fabian River Irrigation System ng NIA o National Irrigation Administration, sapat na dapat ang tubig para sa lahat ng palayan na dinadaanan ng irigasyon nang simulan nang buksan ang dam noong February 18.
Gayunman, ilang mga magsasaka aniya sa ilang mga bayan ang isinasara ang check gates ng mga irrigation canal kaya hindi umaabot sa ibang bayan ang daloy ng tubig.
Comments are closed.