PINANGUNAHAN kahapon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda at mga pamilya sa Bongao, Tawi-Tawi.
Kasama ang ilang miyembro ng kanyang gabinete sa pangunguna nina Department of Interior and Local Government Secretary Banjamin Abalos Jr. at Agricuture Secretary Francis Tiu Laurel ay namahagi ang Pangulo ng tig-sampung libong pisong assistance para sa mga napiling magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng El Niño at ilang pamilyang naapektuhan din.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ninais niyang bisitahin ang lalawigan upang makita rin ng personal ang pag-unlad at mga pagbabagong nagaganap sa naturang lalawigan.
“Ang pakay ko po sa pag-iikot ko sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa bansa ay upang personal kong makita kung ang tulong ng gobyerno ay natatanggap ng mga tao at kung ito ba ay [nakatutulong] sa mga pangangailangan ng mga nahihirapan dahil sa tagtuyot at pangalawa, andito rin po ako upang makausap kayo, nang maunawaan natin ang inyong sitwasyon, at makahanap tayo nang nararapat na solusyon sa inyong mga hinaharap na suliranin”sabi ng Pangulo.
Tiniyak nito na patuloy na magsusulong ang kanyang administrasyon ng mga proyekto para sa kaunlaran gaya ng road projects tulad ng Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project na pinasinayaan noong nakaraang taon.
Sa proyektong ito, tatlong tulay ang gagawin natin dito sa Tawi-Tawi na siyang tutulong– ito’y makakatulong sa inyong mga pangangailangan sa transportasyon at pagpaganda ng inyong hanapbuhay, pati na rin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan dito sa inyong lugar”dagdag ng Pangulo.
Kasama rin ng Pangulo ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry, ang DOLE, ang TESDA, DA para sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na ginaganap sa labas ng DEPED gymnasium sa barangay Tubig-Mampallam.
EVELYN QUIROZ