MGA MAGSASAKA SASABAK SA PAGGAMIT NG PORTABLE SOLAR DRYER NA IMBENSYON NG FILIPINO

NAKATANGGAP  ng donasyon na walong portable solar dryers ang 30 mga magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) na kasapi ng Sorsogon Agro-Aquatic Development Cooperative (SAADECO) mula sa Department of Science and Technology (DOST), ang teknolohiyang makakatipid sa enerhiya at lubhang mahalaga sa produksyon ng bigas.

Ayon kay Department of Agrarian Reform (DAR) Provincial Agrarian Reform Program Officer Nida A. Santiago, ang walong portable solar dryers o teknolohiya na kung tawagin ay Portasol Dryer Technology solar panels ay inimbento ni Francisco Pagayon, Pangulo ng Filipino Inventors Society Producer Cooperative (FISPC). Ang kabuuang halaga ng mga naturang portable solar dryers na ipamimigay sa ARBS sa Sorsogon sa rehiyon ng Bicol ay umabot sa P292,000.

Sinabi ni Santiago, inaasahan ng pamahalaan na magkakaroon ng malaking tulong sa produksyon ng bigas sa mga magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) na mga kasapi SAADECO na mula sa Gimaloto, Lungsod ng Sorsogon .

Sabi niya ang inimbento ni Pagayon na Portasol Dryer Technology, ito aniya ay binubuo ng mga magkakapatong na set ng grain thermal drying trays. Ang mga ito am ay malinis, tipid sa espasyo, at partikular na idinisenyo upang bawasan ang pagkabasa ng malaking dami ng ani, na kayang makapaglaman ng hanggang 150 kilo ng palay sa bawat pagpapatuyo.

Gayunpaman, nagpahayag ng pasasalamat si Santiago sa DOST sa naturang imbensyon na makakatulong sa mga magsasaka at hinikayat ang SAADECO na panatilihin ang mahusay na paggamit ng Portasol dryers. Sinabi niya na ang inisyatiba ay bahagi ng isang institutional partnership agreement sa pagitan ng DOST at ng DAR.

“Ang PORTASOL, na ibinigay ng DOST, ay nagbibigay-daan sa mga magsasaka na matuyo ng mas madali at mas mabilis ang kanilang mga butil kahit maulap na karaniwan sa panahon ng tag-ulan sa bansa,” ani Santiago.

“Ang SAADECO ay isa lamang sa grupo ng mga magsasaka na aming tinutulungan upang makakuha ng mga kagamitan tulad nito mula sa iba pang ahensya ng gobyerno. Nagpapaabot kami ng tulong sa pamamagitan ng mga programa at proyekto na makatutulong sa bawat magsasaka,” dagdag pa ni Santiago.

Samantala, nagpasalamat si Floribe Macapagal, Tagapangulo ng SAADECO, sa suporta ng pamahalaan at nangakong gagamitin nang maayos ng mga magsasaka ang mga Portasol dryers.

“Ito ay malaking tulong sa amin dahil mas mabilis naming mapapatuyo ang aming palay. Kami ay nagpapasalamat sa gobyerno para sa pagbibigay ng mga multipurpose solar drying trays na ito,” ani Macapagal.

Binigyang-diin ng DOST ang mga benepisyo ng Portasol system, at binanggit na mas ligtas at mas mabisang alternatibo ito kaysa tradisyunal na pamamaraan ng pagpapatuyo, na binabawasan ang oras ng pagpapatuyo. Ang teknolohiyang ito ay mahalaga sa pagbawas ng pagkalugi pagkatapos ng ani at sa pagtiyak ng mas mataas na kalidad ng produkto.

Kasunod ng turnover, lumahok ang mga ARB sa isang demonstrasyon kung paano gamitin ang Portasol system, na tinitiyak na sila ay handang gamitin ang bagong teknolohiyang ito para sa pagpapabuti ng produktibidad sa agrikultura. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia