Mga magsasaka, tutulungang makabangon

POLANGUI, Albay — Tiniyak ni Mayor Raymond Adrian Salceda ng bayang ito sa mga magsasakang Albayano ng tutulungan sila ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng ‘Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) program’ ng ‘Rice Tariffication Law’ para sila’y makabangon sa malawakang pinsala ng kanilang mga bukid bunga ng El Nino.

Si Salceda ng ‘League of Municipalities of the Philippines (LMP) Albay Chapter.’ Anak siya ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda. Personal siyang nakipag-ugnayan kay DA Secretary Franklin Tiu-Laurel kamakailan at tiniyak sa kanya ang naturang tulong sa ilalim ng programang RFFA.

Mahigit 425 ektaryang palayan sa Albay ang malawakang napinsala na ng tagtuyot na dulot ng ‘El Niño phenomenon’ sa apat na bayan lamang ng Polangui, Libon, Oas at Pioduran, na nasa ikatlong distrito ng lalawigan.

Bukod sa ayudang pinansiyal sa ilalim ng RFFA, sinabi rin ni Salceda na maglalagay din ng bombang patubig ang National Irrigation Administration (NIA) na tinatawag nilang ‘Pump Irrigation from Open Sources’ o PISOS, sa mga akmang lugar upang maayudahan ng tubig ang mga bukid na lubhang mangangailangan nito.

Ayon kay Salceda, patuloy rin na nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa Philippine Crop Insurance Corporation upang mapabilis ang pagtulong sa mga apektadong magsasaka.

At dulot ng patuloy na lumulubhang banta ng panganib, hinihimok din ng pangulo ng LMP-Albay ang iba nilang kasamahang alkalde ng mga bayan at lungsod sa Albay na matulungan sila habang hinihintay ang ayuda sa kamilang mga magsasakang nasasakupan.

Binigyang diin din ni Mayor Salceda na titiyakin nilang makuha ng mga magsasakang Albayano ang nararapat nilang bahagi ng mga ‘certified and hybrid palay seeds and fertilizers’ na ipamimigay na DA sa Bikol upang makabangon sila mula sa kalamidad.

Bukod sa mga ito, ipinahayag din ng mga opisyal ng DA sa Bikol na mamumudmod din sila ng mga ‘open pollinated corn flint, glutinous and hybrid corn and GM seeds and fertilizers’ sa mga magsasakang nagtatanim ng mais, at mga munggo, sitaw at iba pang gulay.