(Mga magsasaka umaaray na) FARMERS SUMADSAD SA P12-17

UMAARAY  na ang ilang magsasaka matapos sumadsad sa 12 hanggang 17 pesos ang farmgate price ng palay.

Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sa probinsiya ng Mindoro, aabot lamang sa P17 ang kada kilo ng palay gayundin sa Isabela at Masbate.

Maliban dito, idinadaing na rin ng mga ito ang mataas na presyo ng pataba o fertilizer matapos umakyat sa P3,000 ang kada bag ng pataba na mas mataas ng 200% kumpara sa presyo nito noong Agosto 2021.

Dagdag pa ni Estavillo, sapol din ang kanilang sektor sa serye ng taas-presyo sa produktong petrolyo.

Tinawag din ng grupong Bantay Bigas na ‘band-aid solution’ lamang ang tulong na ibinibigay ng gobyerno sa mga magsasaka dahil sa pagsadsad ng farmgate price ng palay.

Aniya, ang P5,000 na ayuda ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ay hindi sapat para makabawi sila mula sa pagkalugi. DWIZ882