NANANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa gobyerno na bigyan ng pangmatagalang tulong ang mga magsasaka na naapektuhan ng bagyong Ompong partikular na sa mga magsasaka sa northern Luzon.
Pinaboran ng senadora ang pamamahagi ng relief goods ng gobyerno sa mga magsasakang apektado ng bagyo subalit pansamantalang solusyon lamang ito kaya mungkahi nito bukod sa pagkain sa mga magsasaka sa loob ng isang linggo, dapat magkaroon din ng pamatagalang tulong ang pamahalaan.
Dapat din na bigyan ng gobyerno ng mga buto o binhi ang mga magsasaka para magamit sa pagtatanim matapos masira ang kanilang mga pananim.
Paliwanag nito, dapat na pagtuunan ng pansin ang kahalagahan ng local farmers upang makapagbigay ng sapat na supply ng bigas at gulay sa ating mamamayan.
Ipinatutupad din ni Poe ang discounted gasoline para sa kanilang traktora, mabilis na bayad ng crop insurance at extension ng payment ng loans na walang interest. VICKY CERVALES
TESDA AAYUDA SA SINALANTA NI ‘OMPONG’
TUTULUNGAN ng TESDA ang pamahalaan sa pagtaguyod ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Ompong.
Iniutos ni TESDA Secretary Guiling Mamondiong sa lahat ng regional directors ng ahensiya na gamitin ang human resources ng TESDA upang makatulong sa mga biktima ng nasabing bagyo.
Sa isang memorandum order, sinabi ni Mamondiong na bilang makinarya ng pamahalaan, kailangang kumilos ang kanyang ahensiya sa pagtulong sa kalagayan ng mga biktima na apektado ng mga kalamidad sa anumang paraan na kaya ng ahensya ng madalian at direktang pagtulong.
Kung kailangang ipagamit ang training centers bilang evacuation centers ng mga nawalan ng tirahan, kailangang mag-isip ng iba pang maitutulong ang regional directors at provincial directors, at makipag-ugnayan sa TVET partners kung paano makapagbibigay ng mga tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Inatasan din niya ang mga opisyal ng TESDA na gumawa ng report araw-araw kung ano-ano ang kanilang mga nagawa at naibahaging tulong sa mga naapektuhan ng bagyo sa kani-kanilang mga rehiyon at lalawigan. BENJARDIE REYES
Comments are closed.