MGA MAGULANG HINIMOK NA IMULAT ANG MGA ANAK SA BOKASYON

Pasig Bishop Mylo Vergara

NAGPAHAYAG nang kalungkutan ang isang Catholic bishop dahil sa pagbaba ng bilang ng nagpapari o pumapasok sa bokasyon.

Sa kanyang homiliya sa isang banal na misa para sa pagdiriwang ng kapistahan ni Santa Ana sa Archdiocesan Shrine of St. Anne, Taguig City, sinabi ni Pasig Bishop Mylo Vergara na maraming dahilan kung bakit bumababa ang bilang ng mga pumapasok sa bokasyon.

Kabilang dito ang hindi pagmumulat ng mga magulang sa mga anak hinggil sa kahalagahan ng paglilingkod sa simbahan at pagsuporta sa mga kabataan sa tawag ng banal na Bokasyon.

Umaasa naman si Vergara na magsisimula sa pamilya ang pagmumulat sa paglilingkod sa Panginoon at pagsuporta sa tawag ng banal na Bokasyon.

“Isang magandang tingnan na maaring solusyon para dumami ang Banal na Bokasyon ay ang pamilya,” aniya pa.

“Minsan kapag nagtatanong ka sa ibang magulang, ano pa ang nakikita mong guhit ng palad ng iyong anak? Kalimitan ang iba hindi iisipin ‘yung pagpapari o pagmamadre. Tatangkilikin, itataguyod ang mga anak, pag-aaralin ng iba’t ibang propesyon doctor, accountant, inhin­yero… pero hindi iisipin na maaaring sa isang personal na paanyaya ng Diyos… suportahan ang desisyon ng anak na magpari o magmadre,” dagdag pa ni Bishop Vergara.

Ayon sa Obispo, ang kapalaran para sa pagtugon sa Banal na Bokasyon ay maaaring masaksihan sa mga magulang bilang mga halimbawa ng panana­langin at paglilingkod na magiging inspirasyon ng kanilang anak tungo sa pag­lilingkod.

Si Vergara ay kabilang sa ‘Late Vocation’ na nagtapos ng Management Engineering sa Ateneo de Manila University at nagtrabaho sa Estados Unidos subalit nakatanggap ng paanyaya sa paglilingkod sa Diyos bilang isang pari.

Ayon sa Obispo, ang kaniyang mga magulang ay kapwa aktibo sa loob ng Simbahan bilang Legionary at Lay Minister na siyang nagmulat sa kaniya sa kahalagahan ng pagli­lingkod.

Sa kasalukuyan ay may higit sa 10,000 ang bilang ng mga pari sa buong Filipinas habang may 18,000  consecrated persons na nangangasiwa sa 86 na milyong Katoliko sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.