MGA MAGULANG KINUWESTIYON ANG DIREKTIBA NG DOH SA PAGBAKUNA SA MGA BATA

DUMULOG sa Que­zon City Regional Trial Court ang isang dating mamamahayag at isang ina para hadlangan ang direktiba ng Department of Health (DOH) hinggil sa pagbibigay ng bakuna sa mga menor de edad.

Sa pamamagitan ng Public Attorneys Office (PAO) sinamahan sa korte sina Dominic Almelor, dating ABS-CBN reporter at ama ng 7 anyos na bata kasama ang isang ina na si Girlie Samonte, may dalawang anak na nasa edad 7 at 9.

Nagsampa ang dalawang magulang sa korte ng Extremely Urgent Petition for Certiorari, Prohibition, Declaratory Relief and Injunction laban kina DOH Secretary Francisco Duque III at undersecretary Maria Rosario Vergeire gayundin sa iba pang DOH Public Health Services Team kaugnay ng ipinalabas ni Duque na Department Memorandum No. 2022-0041nitong Enero 24.

Nakapaloob dito na sakaling hindi pumayag ang magulang na mabakunahan ang kanilang anak at nais naman ng bata na magpabakuna, mismong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang papasok para kumatawan o maging guardian at magbibigay ng consent upang tuluyang mapayagan at mabakunahan ang mga bata na nasa edad 5 hanggang 11.

“In case the parent/guardian refuses to give consent to the vaccination despite the desire and willingness of the minor child to have himself/herself vaccinated, or there are no persons that may legally exercise parental authority over the child, the State may act as parents patriae and give the necessary consent.

Therefore, the proper officer representing the State as parens patriae may sign the consent form. In this regard, the DSWD or its city/municipal counterparts shall serve as the proper office who shall represent the State,” nakasaad sa memorandum.

Hinihiling ng dalawang nagsampang magulang na iangat ng korte ang kanilang karapatan o right to consent bilang mga magulang ng mga bata at kilalanin kung ayaw nilang mabakunahan o sumailalim sa Covid-19 vaccination ang kanilang mga anak dahil sa mga pangambang malagay sa alanganin ang kalusugan ng mga bata.

Kaalinsabay nito, agad namang nilinaw ni PAO chief Atty. Persida Rueda-Acosta kasama ang dalawang petitioners na ang ginawang hakbang ay hindi upang kontrahin ang ginagawang pagsusumikap ng Duterte administration sa pagsugpo ng pandemya.

Hindi rin dapat aniyang ma-misinterpret o mamali ng pakahulugan ang pamahalaan na sila’y tawaging “anti-vaccination.”

Naniniwala sina Almelor at Samonte na ang DOH Department Memorandum No. 2022-0041 ay ginamit ng may “grave abuse of discretion at unconstitutional sa kabila ng may ilang red flags na nakikita umano kaugnay sa pagpapabakuna sa mga kabataan.

Kasunod nito, pansamantalang naudlot ang pilot vaccination na naunang itinakda ng Pebrero 4 sa mga kabataan dulot ng kakulangan ng kahandaan at logistics at sa halip ay itutuloy ito sa darating na Pebrero 7 sang-ayon na rin sa pahayag ni National

Task Force Against COVID-19 chief implementer Vince Dizon. BENEDICT ABAYGAR, JR.