HINIKAYAT ni Senador at Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak laban sa COVID-19 ngayong nakatakda nang simulan ng pamahalaan ang pilot vaccination para sa mga batang edad lima hanggang 11-taong gulang ngayong Lunes, Pebrero 7.
Dapat sana ay Pebrero 4 pa sisimulan ang naturang bakunahan ngunit naantala ito dahil sa hindi pagdating kaagad ng mga Pfizer vaccines na gagamitin sana sa naturang aktibidad.
“Bagama’t hindi mandatory ang vaccination laban sa COVID-19 at hindi puwedeng pilitin ang mga tao, hikayatin pa rin natin ang mga hindi pa bakunado na magpabakuna na dahil maiiwasan natin ang malubhang sakit o maging kamatayan dahil sa COVID-19. Ilapit na natin sa kanila ang bakuna at ipaintindi natin nang mabuti,” ayon kay Go.
Sinabi pa ni Go na ang pagbabakuna sa mga bata ay mahalagang bahagi ng national immunization program dahil magkakaloob ito sa kanila ng dagdag na proteksiyon laban sa virus.
Siniguro rin naman ni Go sa mga magulang na ang mga bakuna ay epektibo at ligtas at ito ang pinakamainam na sandata upang mapangalagaan nila ang kanilang sarili at kanilang pamilya laban sa COVID-19.
“While we recognize that taking vaccines is a personal decision, we urge you to make the best decision for the benefit of not just yourselves, but also your community, particularly your loved ones,” dagdag pa ni Go.
“Makasisiguro naman po tayo na ang mga bakunang ito ay ligtas at epektibo laban sa COVID-19,” giit pa niya.
Nabatid na may anim na lugar sa Metro Manila kung saan sisimulan ang bakunahan para sa mga bata, kabilang dito ang Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Children’s
Hospital and SM North EDSA (Skydome) sa Quezon City; Manila Zoo sa Maynila; at Fil Oil Gymnasium sa San Juan City.
Samantala, hinimok ng senador ang mga public at private sector partners na bumuo ng mga pamamaraan upang mahikayat ang mga eligible people na magpaturok na ng bakuna.
Tiniyak din niya na ang bansa ay nasa tamang landas upang masugpo ang virus at nagpasalamat dahil sa patuloy na efforts ng pamahalaan, gayundin ang kooperasyon ng publiko.
“This is not the time to be complacent as we work for a better tomorrow. Cooperation, compassion, and concern for others have the potential to save lives. So let us continue to collaborate with the administration so that we may properly heal and recover as a nation,” aniya pa.