MGA MAGULANG UMAAPELA KAY SEC BRIONES

MASAlamin

GRABE  na ang  pagtaas ng mga bilihin at pagtaas naman ng tuition ay sasabayan pa ng mapagsamantalang paniningil ng ilang mga paaralan gamit ang samu’t saring dahilan at pamamaraan ng pagkakagastusan ng mga magulang.

Pinayagan na kasi, mga kamasa, ng Department of Education (DepEd) na magtaas ng matrikula ang kabuuang 170 pribadong paaralan sa Metro Manila para ngayong school year ng mula 5% hanggang 15%.

Ngunit ang masakit dito, nalaman natin na ang mabigat na pasanin ng mga magulang ukol sa tuition at marami pang iba katulad ng mga gamit, ay kulang pa at  ilang mga paaralan umano ay nananamantala pa at nagdadagdag ng mga bayarin.

Kaugnay nito  ay nakatanggap ang MASAlamin ng ilang mga reklamo na nais nilang maiparating kay DepEd Sec. Leonor Briones sa pamamagitan ng ating munting pitak. Kabilang sa inirereklamo ng ilang mga magulang ay ang Christ Gospel Academy diyan sa Vito Cruz Extension na anila ay sobra-sobra ang ginagawang paniningil sa mga estudyante. Heto ang nilalaman ng kanilang sumbong na ipinadala sa inyong ingkod:

“Maliban sa puwer­sahang paniningil sa field trip na isinasama na sa kanilang tuition fee collection ay nagbebenta rin sila ng mga handbook na umaabot ng P9,000 ang isang set na binubuo lamang ng limang libro.

“Para mas makasi­ngil pa nang mas malaki, ay may ipinatutupad din  silang sariling sistema ng pagtuturo para sa Grade 5 at pataas na kung tawagin ay Eduseeds.

“Dahil internet-based ang sistemang ito ay obligadong bumili ng laptop ang mga magulang at siyempre awtomatik na magbabayad na naman ng libo-libong piso ang mga magulang para malagyan ng programa ang mga laptop.

“Ang masakit dito ay hindi naman magamit nang husto ang sistema dahil hindi naman guma­gana nang maayos ang internet connection sa nasabing paaralan kaya natatapos ang school year na walang natututuhan ang mga estudyante.

“Ang isa pang ini­rereklamo ng mga magulang ay ang mala-usurerong estilo ng pagpapatong ng interest nila sa mga hindi nababayaran sa oras na mga bayarin. Maliban kasi sa penalty charges, daig pa nila ang Bombay dahil naniningil din sila ng late payment charges.

“Hindi pa nasiyahan, naniningil din sila ng P200 kada request ng certificate of good moral character at certificate of completion.”

Mukhang pang-aabuso nga ito, mga kamasa. Ating tinatawagan ang ating butihing kalihim sa DepEd na si Sec. Briones na sana’y pagtuunan ng pansin ang nasabing paaralan. Ina­asahan nating  kanyang paimbestigahan, kastiguhin at baguhin ang ganitong mapagsamantalang sistema na walang puwang sa edukasyon.

Comments are closed.