KORONADAL CITY – NAGPAHIWATIG ng pangamba ang libo-libong public employees sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na maaapektuhan ang kanilang employment status sakaling maipatupad na ang Bangsamoro Organic Law at malagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang batas.
Napag-alaman na kinumpirma ni Bangsamoro Transition Council Chairman at Moro Islamic Liberation Front (MILF) 1st Vice Chairman Ghadzali Jaafar, ang pagtanggal lahat sa puwesto ng mga kasalukuyang opisyal at empleyado maliban na lamang sa mga guro, doktor, nurse, health workers at social workers.
Ngunit, sa kabila ng pangamba na mawawalan ng trabaho ay puwede pa ring ma-rehire ang mga matatanggal na empleyado subalit kailangang makapasa ang mga ito sa kuwalipikasyong itatakda ng bagong gobyerno.
Napag-alaman na kasunod ito ng panghihinayang lalo na ng mga empleyadong matagal na sa serbisyo sa pampublikong mga tanggapan sa ARMM. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.