MATAPOS magpahayag ng mariing pagtutol at pangamba ang mga mangingisda na maaari umanong mawalan ng hanapbuhay sa isasagawang konstruksyon para sa 2,000 ektarya na floating solar project sa Laguna de Bay, nag- alok ang kompanya ng naturang proyekto na bibigyan ng trabaho at pag -aaralin ang mga anak ng naturang fisherfolks.
“Ang kauna unahang kukuhain ay ang mangingisda para gawing empleyado ng kompanyang magpapatakbo ng solar energy,” sabi ni Alejandro Alcones, Presidente ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas- Bay) sa isang radio interview.
“Isa pa nangako rin sila na ang mayroong mga anak ay magkakaroon din na libre ang edukasyon.Maaaring bigyan ng trabaho ng kompanya at ang mga anak ay maaaring pag aralin ng libre ng kompanya ng solar energy,”paliwanag ni Alcones.
Ito ay matapos magkaroon ng pagpupulong ang mga apektadong mangingisda at mga kasapi ng Chapter ng naturang grupo at ang komunidad dito hinggil sa naturang isyu.Tinatayang aabot sa 8,500 na magsasaka at 2000 indibidwal na sa aquaculture sa lalawigan ng Laguna ang maaapektuhan at posibleng mawalan ng hanapbuhay kapag natuloy ang proyekto.
Naalarma ang grupo matapos malaman ng mga ito mula sa lokal na pamahalaan na mahaharangan ng mga floating solar panel ang daanan ng kanilang mga bangka, at masasaklaw ng naturang proyekto ang kanilang mga daungan.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga mangingisda sa naging hakbang ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) na attached agency ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na i- auction sa isang pribadong kompanya na magsasagawa ng naturang floating solar project sa lawa ng hindi man lang sila kinonsulta.
Sasaklawin ng naturang proyekto ang ibang area ng lawa na nasa siyudad ng Calamba, Cabuyao, at Sta. Rosa at mga bayan ng Bay at Victoria sa lalawigan ng Laguna.
Giit ni Alcones, hindi sapat at pampalubag loob yung alok sa kanilang tulong ng gagawa ng proyektp .”Para sa akin hindi sapat yun.Kasi yung kukunin nilang pagtatayuan na paghahanapbuhayan namin araw araw “Kulang po yun kung yun lang.Paano po kung may edad na.Wala nang magiging eskuwela.Ang tutulungan lang yung may eskuwela.May hangganan lamang ang alok na tulong,”sabi niya.
“Yun ang sentimyento ng mga apektadong mga mangingisda na mawawalan ng pangisdaan. Talagang mawawalan ng pangisdaan,”ayon kay Alcones.
Sa ngayon ay wala pang kumakausap sa kanila mula sa LLDA o mula sa anumang ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa naturang proyekto.
Sa ngayon, ang ilan sa mga uri ng isda na kanilang hinuhuli sa lawa ay ang biya, ayungin, at bangus. “Wala pa ring nabanggit kung ano ang mangyayari sa mga isda at ang dahilan kung bakit sa ibabaw ng lawa ito kailangang gawin.Pero sa tingin ko hindi namin ito kayang pigilan,”ang dagdag pa ni Alcones.
Giit nila ay kailangan nila malaman kung saan pwede dumaong ang mga bangka ng mga mangingisda sakaling hindi mapigilan ang naturang proyekto.
“While we recognize the need for energy transition from usual unsustainable sources to a renewable one, it should not trample on the socioeconomic rights of the fishermen and coastal communities,” ani Ronnel Arambulo, Pamalakaya vice chairman. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA