TAOS pusong nagpapasalamat ang mga mayor ng Albay na pinamumunuan ni Polangui Mayor Adrian Raymond Salceda sa ‘Department of Health’ (DOH) kaugnay sa kabubukas na Bicol Cancer Center sa loob ng Bicol Regional Hospital and Medical Center (BRHMC) sa bayang ito.
Bukas na ngayon ang naturang Cancer Center matapos bigyan ito ng lisensiya ng ‘Food and Drug Administration’ at pasinayaan nitong nakaraang Biyernes. Kumpleto na rin ito sa mga makabagong kagamitan sa paggamot ng kanser. Isa ito sa ilang mahahalagang pasilidad ng BRRMC kung saan mayron ding ‘Heart Center, Lung Center’ at ‘Kidney Center.’
Taos pusong pinasalamatan ni Mayor Adrian Salceda, pangulo ng ‘League of Municipalities of the Philippines (LMP) Albay Chapter,’ si Health Secretary Teodoro Herbosa “sa pagtatalaga ng ‘lifesaving care’ o panligtas-buhay na pasilidad na malapit sa mga Bikolano, lalo na sa mga pamilyang Albayano gaya ng ‘cancer center.’
“Lubhang mapanganib ang sakit na kanser sa mga pasyente at pamilya. Lalo itong nakakagimbal kung kailangang tumakbo pa sila sa Manila upang ipagamot ito. Ngayong bukas na ang Bicol Cancer Center, maitutuon na ng mga pasyente nito ang kanilang pagsusumikap sa pagpapagaling malapit sa kanilang mga pamilya na sentro ng kanilang suporta,” ayon kay Mayor Salceda.
Pinasimulan ang pagbalangkas ng naturang ‘cancer center’ noong 2010 ni dating Governor at ngayon ay Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, amain ng mayor na nagsabing ang unang konsepto nito ay bilang ‘public-private partnership’ dahil malaking puhunan ang kailangan nito, Tanda rin ni Mayor Salceda na si Secretary Herbosa na noon ay isang mataas na opisyal ng DOH na siyang sumusubaybay sa mga pangkalusugang usapin sa Bikol, ay bahagi sa pagbalangkas nito.
“Ang ‘Bicol Cancer Center’ ay bahagi ng isang malaking pangarap — ang gawing parang PGH o isang kumpletong ‘medical ecosystem’ sa Tinog Luzon ang ‘Bicol Regional Hospital and Medical Center’ na noon ay kilala sa pangalang ‘Bicol Regional Training and Teaching Hospital’ (BRTTH) na isa sa mga sinusubaybayan ni Herbosa sa Bicol, Bahagi din ito ng pinalawak nja programa ng BRHMC na pinalaki ang kapasidad mula 250 hanggang 800 kama sa ilalim ng RA 11719 na likha din ni Rep. Salceda ” paliwanag ng Mayor.
“Tiyak na rin ngayon ang daloy ng pagsasanay ng mga bagong doktor sa Bikol dulot ng naitatag nang Bicol University College of Medicine na magsasanay sa BRHMC, kasama ang magsasanay na mga espesiyalista sa puso, baga at bato ng tao, na noon ay wala sa Bicol,”dagdag niya.
Pinasalamatan din ni Mayor Salceda si House Appropriations Committee chairman Elizaldy Co sa pagpondo sa patuloy na pagsulong ng BRHMC, at sa pagtatalaga ng pondo para sa mga impraestraktura ng BRHMC’s kasama ang suplay ng tubig, ‘halfway houses’ at iba pang mga pasilidad.”