ILANG mga miyembro ng homeowner’s association sa San Miguel, Bulacan ang nagpahayag ng kanilang pangamba sa lehitimong pamamahagi ng titulo sa isang housing project sa naturang bayan dahil sa umano’y kaduda-dudang paglista ng asosasyon.
Ipinamahagi ng mga tauhan ng National Housing Authority sa mga benepisyaryo ang pabahay sa San Miguel Heights Vill Homeowners Association.
Sa kabila nito ay nangangamba ang ilang residente na hindi napabilang ang kanilang mga pangalan sa listahan bilang benepisyaryo sa mga itinirik na pabahay sa lugar.
Ayon sa mga residente, una nang hiningan ang mga ito ng pera ng naturang asosasyon sa pagpapamiyembro at upang mapasali ang mga ito sa mga listahan.
Ayon sa itinago sa pangalang Mang Pedro, matagal na silang nakatira sa lugar at nakapagbigay ng pera sa presidente ng asosasyon upang lehitimong mapabilang sila sa mga mabibigyang ng pagkakataon na magkaron ng sariling bahay.
Kalaunan umano ay pinaalis sila ng asosasyon sa bahay na kanilang tinitirhan dahil sa anila ay may mga dati ng nakatira rito.
Reklamo rin ng mga residente, binibenta rin umano ang mga unit sa lugar kung saan may mga nakatira na at magbibigay ng ibang pangalan na ililista sa masterslist ng NHA.
Karamihan sa residente ang nagkumpirmang bigla na lamang may darating na mga bagong tao sa lugar upang umattend ng mga meeting kapag nasa presensya ang mga taga-NHA at ipinakikilalang mga lehitimong nakatira sa lugar kahit hindi pa man natatayo ang kanilang mga tahanan.
Samantala, ayon sa mga tauhan ng NHA, tanging mga nasa masterslist lang noong 2012 ang kanilang sinusunod na binibigyan ng pabahay at iyong mga nakakumpleto ng requirements.
Dagdag pa nito, wala silang alam sa mga problema ng naturang asosasyon bagamat bibigyan nila ng pabahay ang mga nasa listahan na nakapagsumite na ng kanilang mga dokumento.
PAULA ANTOLIN