MGA MOMMY: MAGPAGANDA KAHIT ABALA

MOMMY

(ni CT SARIGUMBA)

SA KAABALAHAN ng maraming mommy, kung minsan ay hindi na nito napagtutuunan ang kanilang look o kabuuan, lalo na iyong may mga anak na. Nakalilimutang mag-ayos. Nakaliligtaang magpaganda. Palaging idinadahilan ng maraming mommy, sobrang busy at kailangang unahin ang asawa at mga anak. Isa pang laging idinadahilan: kasal na naman kaya’t bakit pa magpapaganda.

Tama ngang unahin natin ang ating pamilya. Pero hindi tamang magpabaya sa ating sarili. Hindi naman para sa ibang tao ang gi-nagawa mong pagpapaganda kundi para sa mahal mo. Kung palagi kang presentable, hindi ka niya pagsasawaan. Lagi rin siyang may dahilang umuwi kaagad para makasama ka. Alam naman natin ang panahon ngayon, maraming nasa tabi-tabi na naghihintay lang na mapagtuunan ng pansin ng mahal natin.

Kaya sa mga mommy riyan, kahit na  sob­rang abala ay alagaan pa  rin ang sarili. Narito ang ilan sa tips na maaaring isaalang-alang:

HUWAG MAGING PABAYA SA SARILI

Maling-mali iyong porke’t may asawa ka na, magpapabaya ka na sa sarili. Dahil kasal ka na, hindi ka na magagawang iwanan ng asawa mo.

Kahit na sabihin na­ting mahal na mahal tayo ng ating asawa, may mga pagkakataon pa ring napatitingin iyan sa iba lalo na kung mukha kang losyang. Kung pabaya ka sa sarili mo.

Kaya para sa iyo lang nakatuon ang tingin ng asawa mo, magpaganda. Kumbaga, ano’t anuman ang mangyari, huwag na huwag pababayaan ang iyong sarili.

Kung gaano mo ina­alagaan ang sarili mo noong iyong kasibulan, dapat doblehin mo pa.

SWAK NA OUTFIT

Kahit na sobrang nagmamadali ka, pumili ka pa rin ng outfit na babagay sa iyo, hindi iyong kung ano-ano na lang ang isusuot mo.

Hindi iyong basta-basta na lang. Minsan kasi, kung ano iyong madaling isuot at madaling kunin, iyon na lang ang pini­pili natin kahit na hindi naman bagay sa pupuntahan natin  o kaya naman, hindi magandang tingnan.

Iwasan ang katamarang mag­hanap o magsuot ng maganda at maayos na  damit.

Kailangang sa tuwing lalabas ka ng bahay ay presentable ka. At para hindi ka magmadali sa umaga o kapag may pupuntahan, gabi pa lang ay isipin na kung ano ang isusuot.

Kumbaga, ihanda na para ready ka at hindi ka mahirapan kinabukasan.

PAGANDAHIN ANG OUTFIT SA PAMAMAGITAN NG ACCESSORY

Dahil nakadaragdag ng ganda ang pagsusuot ng accessory, maaari kang maglagay nito para lalong lumabas ang ganda ng iyong look. Huwag ka ring mahihiyang sumubok ng mga accessory na hindi mo gaanong gina­gamit.

Isa nga naman ang accessory sa nakapagbibigay ng stylish look sa kahit na sino nang walang kahirap-hirap.

MAGDALA NG BLOTTING PAPER KUNG OILY ANG SKIN

Kung oily ang face mo, huwag mo ring kalilimutang magdala ng blotting paper sa tuwing lalabas ng bahay, magtutungo sa mall, opisina o school ng anak.

Ito nga naman ang pinakamadaling paraan para maiwasan ang pagiging oily ng skin.

Puwede rin itong pang-blend ng foundation o concealer.

Huwag gawing dahilan ang pagiging abala para mapabayaan ang sarili. Dahil kung gusto mong magpaganda at mapanatili ang pagiging presentable, napakaraming pa­raan.

At kung gugustuhin mo, magagawa mo. (google photo)

Comments are closed.