MGA MOTORSIKLO SA PILIPINAS, LUMOBO

KAPANSIN  pansin na ang pagdami ng mga motorsiklo sa lansangan. Tuwing tinatawag na ‘rush hour’, kaliwa’t kanan ang dapat na tingin mo sa tabi ng iyong sasakyan kung may malapit na motorsiklo na maaaring makasagi sayo.

Dagdag pa rito ang dumadaming mga kamote riders na walang pakialam sa ating mga batas trapiko. Papasok sila sa ipinagbabawal ng EDSA bus lane upang makauna sa mga nagtitiis na ibang motorista sa trapiko. Pagkatapos ay aalis sa bus lane kapag may nakitang traffic enforcer. Kapag nasita sila, abot langit ang pagtanggi na hindi sila pumasok sa nasabing lane maski na may video na nagpapatunay na nilabag nila ang batas.

Heto pa, marami sa kanila ay walang lisensya. Kung sino pa ang mayabang at mapusok sa lansangan na mga kamote riders, sila pa ang walang lisensya at hindi alam ang kortesiya sa pagmamaneho. Tsk tsk tsk.

Heto ngayon, ang bilang ng mga motorsiklo sa Metro Manila ay lumobo ng mahigit apat na beses sa loob ng sampung taon! Ito raw ay resulta ng lumalaking e-commerce na nangangailangan ng motorsiklo tulad ng mga deliveries at ang tinatawag na MC Taxi o motorcycle taxis.

Ayon sa datos ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), ang volume ng motorsiklo araw araw sa lansangan ay lumaki ng halos apat na beses na may bilang na 1.67 million noong 2023 mula sa 433,340 noong 2013. Ito na ang pinakamalaking pagtaas ng bilang sa kategorya ng sasakyan sa Pilipinas.

Nagsimula kasi ito noong magkaroon ng pangangailangan ng mas mabilis na paraan upang makapunta sa trabaho.

Ang mga commuters kasi ay biktima ng malalang trapik sa Metro Manila. Nale-late sa trabaho o meeting kaya nagkaroon ng solusyon dito sa pamamagitan ng pag-arkila ng motorsiklo bilang pampublikong transportasyon. Ang tawag pa noon ay “habal habal”. Di hamak na mas mabilis ito imbes na sumakay ng taxi, jeepney, tricycle o bus.

Subalit ilegal ang paggamit ng “habal habal” noong mga panahon na iyon.

Kaya naman upang mahinto ang ilegal na gawain sa paggamit ng motorsiklo bilang pampublikong transportasyon, nagsagawa ang LTFRB ng tinatawag na pilot study sa paggamit ng MC Taxi. Pumasok agad dito ang Angkas noong 2016 at sumunod ang JoyRide PH at ang pinakahuli ay ang Move It.

Sa kasalukuyan ay tinatapos ng Kongreso upang masapinal na ang prangkisa ng ng MC taxi. Ito ay tulad ng pagbibigay ng prangkisa sa mga taksi, jeepney at bus.

Subalit ang paglobo ng motorsiklo sa lansangan ay kaakibat din sa dumadaming aksidente nito.

Dahil nga sa kakulangan ng disiplina at edukasyon sa batas trapiko, sumipa pataas ng bilang ng aksidente na may kaugnay sa paggamit ng motorsiklo. Ayon sa CPBRD, umakyat ng 80% ang datos ng mga aksidente na may bilang na 36,486 noong 2023 mula sa 20, 272 noong 2013.

Ang masakit dito ay tila mas dadami pa ang bilang ng motorsiklo sa mga susunod na taon. Ngayon ay nasa kalagitnaan ng pag-aayos ang modernisasyon ng mga jeepney kung saan marami sa mga ito ay nagdesisyon na huminto na sa pagpapasada dahil sa kakulangan ng pera upang makabili ng bagong jeepney.

Kaya naman marami sa ating mga kababayan ang mas pinili na bumili ng motorsiklo dahil sa mababaang downpayment nito at murang konsumo sa gasolina. Dahil dito maaari na silang pumunta kahit saan na hindi kailangang makipagsiksikan sa mga pampublikong transportasyon.

Kaya ito dapat ang pagtuunan ng ating gobyerno. Dapat ay ma- regulate ang pagbenta ng motorsiklo sa lansangan.

Hindi ako tutol sa kapangyarihan na magmay ari ng sasakyan. Subalit may obligasyon din ang estado na ma- regulate ito kapag nagiging perwisyo na sa kaligtasan ng lipunan.

Tignan ninyo ang ibang bansa. Hindi nila ipinagbabawal na bumili ng sasakyan ang kanilang mga mamamayan.

Subalit may mga regulasyon na dapat sundin bago mapayagan na makabili nito tulad ng mandatong garahe nito at mahigpit na pagpapatupad ng ‘road worthiness’ nito.

Sa ngayon, makikita natin ang mga motorsiklo at iba pang uri ng sasakyan na nakahambalang sa lansangan. Wala kasi silang garahe. Mabagal ang daloy ng trapiko dulot ng illegal parking. Kapag hindi umaaksyon ang gobyerno sa suliranin na ito, tiyak na problema ito sa mga susunod na dekada.