MGA MUKHA NG ISANG BABAE

babae

KASAMA ng  hormonal changes, ang stages sa buhay ng babae ay nahahati sa pagsilang, puberty, reproductive age, climacteric period, at pagtanda. Idagdag pa rito ang pagbubuntis at panganganak. Kakaiba, kumpara sa kalalakihan, hindi ba? Ito ang ipinakikita ng mga iginuhit na larawan ng ating featured artist na si Arlene De Castro Anonuevo, isang simpleng babaeng may puso para sa kapwa  at sa  pets.

Ang babae ay parang buhay na ilog na patuloy na umaagos. Dinadala ng tadhana upang maunawaan ang hiwaga ng buhay. Pilit kinokontrol ng mga dike, ngunit nakagagawa pa rin ng paraan upang tunguhin ang tunay niyang destinasyon. Babae, mahiwaga ka.

Ang babae ay personipikasyon ng walang hanggang kagandahan, pag-ibig na walang hinihinging kapalit, kalinisan at dignidad. Isa siyang biyaya, na sumisimbulo sa kabutihan, lakas ng loob, pasensya at tiyaga, katatagan, at tapang. Iyon ang ibinibigay niya sa mga taong mahalaga sa kanya.

Lahat ng iyon ay makikita sa mga larawang iginuhit ni Arlene – isang babaeng nagpapakilala ng tunay na kahulugan ng iba’t ibang mukha ng kanyang kauri.

Ito ang ipinakita ng  artworks ni Arlene. Babae ako at maganda ako. Magandang maganda ako.

Bawat kuwadro ng kanyang obra ay may isang babaeng nagsasaad ng emosyon. Lungkot, ligaya, pananabik, paghihintay, pag-asa, pag-ibig, pangamba, kapayapaan, pagpapatawad, pagdududa, pride, tiwala, pagkabigla,  disgust … Tama, lahat tayo ay nakakaranas ng ganyan minsan sa ating buhay. Ayon kay Arlene, bawat mukhang kanyang iginuguhit ay larawan ng emosyong kasakukuyan niyang nadarama habang ginagawa ito. Sa madaling sabi, bawat mukhang nasa kuwadro  ay si Arlene mismo, ang representasyon ng kababaihan sa kanyang obra. Ang babaeng dinadaluyan ng dugo ng bayaning si Andres Bonifacio. Ang babaeng piniling maging sociologist sa halip na ipagpatuloy ang hilig sa pagguhit dahil ito ang mas praktikal. Ang babaeng nagdurugo ang puso kapag may nakikitang aso o pusang inaapi sa kalsada. Opo, naging adhikain nito ang sumagip ng mga pusakal (pusang kalye)  at askal (asong kalye) – tumulong sa nangangailangan, hayop o tao man. Sa ngayon, napakarami na ng aso at pusa ang binibigyan niya ng tahanan – sa paraang kaya niya at sa tulong na rin ng ilang kaibigan.

Minsan, kasama rin sa mga paintings ang malupit na sinapit ng hayop na kanilang nasagip, ngunit palagi, naroroon din ang mukha ng isang babaing may nagpapakita ng pagmamahal at kalinga. Hindi lamang emosyon ng isang babae ang nais niyang ipakita sa mga larawang kanyang iginuhit. Naghahatid rin ito ng mensahe na sana, magkaroon din tayo ng habag sa mga hayop, lalo na ang aso.

Hindi ko kilala si Arlene. Lahat ng sinulat ko tungkol sa kanya ay base lamang sa kanyang mga sinabi, at sinabi ng mga taong malalapit sa kanya, ngunit nadarama ang katotohanan sa kanyang kilos at pananalita. Pinagtibay pa ito ng ipinakita niyang malasakit sa mga hayop na kanyang nasagip. Naniniwala ang inyong lingkod na isa sa katibayan ng kabutihan ng puso ng isang tao ay ang pagmamalasakit sa hayop. Ang taong marunong magmahal ng hayop ay marunong din mag-mahal ng tao, dahil kung kaya niyang ibigay ang kanyang panahon sa hayop na hindi naman nakakapagsalita, mas kaya niya itong ibigay sa isang taong nangangailangan.

Simple lang si Arlene. Karaniwang babae. Walang make-up, walang ikinukubli. Buhay na larawan ng modernang Maria Clara na may puso at talinong kayang makipagsabayan sa sino mang lalaki. NENET VILLAFANIA

One thought on “MGA MUKHA NG ISANG BABAE”

  1. 921797 538808Spot on with this write-up, I truly suppose this web site needs rather more consideration. most likely be once more to learn significantly more, thanks for that info. 86846

Comments are closed.