AGAD na pinawi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alalahanin ng mga Filipino workers sa Amerika na maaapektuhan sa inilabas na ban sa pagkakaloob ng H-2A at H-2B visa sa mga banyaga.
Nilinaw ng DFA na hindi apektado ang Filipino community sa Amerika at hindi naman babawiin sa kanila ang hawak na H-2A o H-2B visa.
Saklaw lamang ng ban ang mga Filipino na nagbabalak pumasok sa Amerika sa trabahong may kaugnayan sa agrikultura at hindi ang mga Pi-noy na nabigyan na ng kahalintulad na visa bago pa ipinalabas ang ban.
Nagpaalala sa mga Pinoy sa US ang Philippine Embassy sa Washington at ng iba pang Philippine Consulates General na sumunod nang maayos sa batas ng naturang bansa lalo na sa immigration laws.
Naglabas ang US Department of Homeland Security (DHS) nitong Enero 18 ng ban sa pagpasok ng karagdagang manggagawang Pinoy na may hawak na H2-A and H2-B visa dahil sa isyu ng “severe” overstaying and human trafficking.
Inirereklamo ang mataas na bilang ng mga kaganapang sangkot ang mga Filipino sa overstaying.
Ang H-2A at H-2B visas ay nagbibigay ng pahintulot sa mga Amerikano na magpasok sa US ng foreign workers upang punuan ang pangangailangan nila sa mga manggagawang pang-agrikultura at hindi agrikutural. AIMEE ANOC