MGA NAGPAKALAT NG FAKE NEWS SA NCOV PINATUTUGIS SA NBI

Justice Secretary Menardo Guevarra

INATASAN ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI)  na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkalat ng maling balita kaugnay sa 2019 NCoV Acute Respiratory Disease.

Sa nilagdaang Department Order 052, pinakilos si NBI Director Dante Gierran na mangalap ng mga ebidensiya ng pinagmulan ng kontrobersiyal na kaso ng nCoV.

Mahigpit ang tagubilin ni Guevarra sa NBI na palakasin ang kaso laban sa mga nasa likod ng misinformation at fake news patungkol sa 2019  NCoV ARD.

Sa sandaling makaka­lap ng sapat na patunay o ebidensya ang NBI ay agad na maghain ng kaso laban sa mga respondent.

Samantala, inatasan din ng kalihim ang NBI na makipag-ugnayan sa Department of Health at tumulong sa pagtunton sa mga indibiduwal na posibleng apektado ng virus.

Tatlumpung  araw ang ibinigay na panahon ng kalihim sa NBI upang tapusin ang imbestigasyon at isu­mite ang findings and re­commendations sa DOJ. GINA MAPE

Comments are closed.