(Mga nakasalamuha ng NCOV carrier) MGA PASAHERO HINDI MATUNTON

SEN-NANCY-BINAY

BINATIKOS ni Senadora Nancy Binay si Health ( DOH) Secretary Francisco Duque III dahil sa hindi pa rin nakukuha ang kinaroroonan at mga address ng mga nakararaming pasahero na sakay ng  mga airline  na sinak­yan din ng dalawang Chinese nationals na carrier ng 2019-novel coronavirus.

Sa naturang pagdinig ay  tinanong ng senadora ang kalihim kung nalaman na ba nila ang kinaroroonan ng mga nasabing pasahero, pero ayon dito tanging 17% lamang umano ang kanilang nakokontak.

Dito na nag-init ang ulo ni Binay dahil nakakapangamba umano ang mabagal na aksiyon ng DOH.

Inamin naman ni Duque na nahihirapan silang makuha sa mga airline company ang  listahan at address ng kanilang mga pasahero dahil labag aniya ito sa Data Privacy Act.

Dahil dito ay  nabahala ang mga senador kung kaya’t pinayuhan ni Senador Panfilo Lacson ang DOH na dapat ay nakipag-ugnayan sa Department of Transportation ukol dito para agad nakagawa ng aksiyon.

Iminungkahi naman ni Senador Ronald Dela Rosa na lumapit dapat si Secretary Duque sa Philippine National Police  (PNP)  at sa loob lamang ng tatlong araw tiyak na makukuha ang mga pa­ngalan at kinaroroonan ng mga naturang pasahero na kasama ng dalawang Chinese nationals na nagpositibo sa nCov.

AKSIYON NG GOV’T VS NCOV PINALALATAG

NANANAWAGAN si Senador Christopher Bong Go  sa concerned government agencies  na ilatag ang kanilang plano hinggil sa paglaban sa kina-tatakutang novel Coronavirus na nagmula sa China.

Sa hearing ng Senate Committee on Health, sinabi ni Go  na dapat maayos na maipara­ting  ng mga ahensiya ng  gobyerno  ang mga impormasyon hinggil sa virus at gayundin ng mga ginagawang  hakbang ng gobyerno hinggil sa virus.

Ayon kay Go, mahalagang  may  kaalaman ang  gobyerno sa mga hakbang nito hinggil sa virus para magkaroon ng pagtutulungan sa paglaban sa kinatatakutang sakit.

Sa panahon ng  krisis aniya ay mas dapat na maintindihan ng  mga tao ang mga nangyayari at upang maiwasan na rin ang mga kumakalat na fake news.

Dagdag pa ni Go na hindi nakatutulong  ang mga maling impormas­yon kaya sa halip na magpakalat at bumatikos ay magtulungan na lamang ang lahat. VICKY CERVALES

Comments are closed.