MGA NAKATIRA SA SEMENTERYO BINALAAN SA LEPTOS

Health Secretary Francisco Duque III-3

NAGBABALA na ang Department of Health (DOH) sa publiko, partikular sa mga pamilyang naninirahan sa mga pampublikong sementeryo na mag-ingat sa paglusong sa baha dahil laganap ngayon ang sakit na leptospiros.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, partikular umanong inaabisuhan ang mga residente sa North Cemetery at Laloma Cemetery na katabi ng ilog na kadalasang umaapaw kapag bumuhos ang malakas na ulan.

Puspusan ang ginagawang paglilinis ng mga tauhan ng Department of Public Service at MMDA sa mga estero ng Manila at estraktura na kanilang ginigiba pero bumabalik pa rin ang ilang mga residente.

Una rito ay nagdeklara ang DOH ng leptospirosis outbreak kung saan ay umakyat na sa 52 katao ang nasawi sa 368 naitalang kaso simula Enero 1 hanggang Hulyo 3, 2018.

Dagdag pa ni Duque, na tumaas ang kaso ng leptopirosis sa Hunyo 10 hanggang Hulyo 3, 2018 na umakyat sa 103, mas mataas ng 38 porsiyento kompara sa nakalipas na limang taon na umabot lamang sa 76 na kaso.

Pinayuhan naman ng kalihim ang mga lungsod  ng Navotas na mayroong tatlong kaso ng leptospirosis, Mandaluyong at Malabon na may tatlong kaso rin,  na maging alerto dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naita­lang kaso ng sakit na nakukuha sa ihi ng daga.

Kasama sa mga sintomas  ng  leptospirosis  ay ang pananakit ng kalamnan lalo na ang hita, paninilaw ng mga  mata at balat,  kulay tsaa ang ihi at kapag hindi naagapan ay posibleng maapektuhan ang kidney ng pasyente at posibleng ikamatay. PAUL ROLDAN

Comments are closed.