TULUYAN nang kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar na 14 sa 20 blood samples ng mga namatay na baboy ay nagpositibo sa sakit na African Swine Fever (ASF).
Sa idinaos na press conference sa Quezon City, sinabi ni Dar na ang mga naturang blood sample ay ipinadala sa bansang United Kingdom para isailalim sa pagsusuri.
Napag-alamang patuloy pa ring hinihintay ng ahensya ang iba pang resulta mula sa isa pang laboratory test upang malaman kung gaano kalala ang naturang virus.
Kasunod nito, iginiit ng DA na napigilan na ang pagkalat ng nasabing sakit base sa kanilang pinakahuling pagsusuri.
Nauna rito, nagkaroon ng mataas na bilang ng pagkamatay ng mga alagang baboy sa Rodriguez, Rizal.
Samantala, nagsagawa muna ng isang boodle fight ang mga opisyales ng DA at Department of Health (DOH) upang patunayang ligtas ang mga pagkain ng karne ng baboy sa bansa.
Mas lalo namang pinaigting ng DA ang pagpapatupad ng quarantine checkpoints at iba pang hakbang matapos na magpositibo sa ASF virus ang mga pinag-aralang blood sample mula sa mga namatay na baboy sa Rodriguez, Rizal.
Ito ay sa kabila ng nauna nang iginiit ng DA na ligtas mula sa nasabing virus ang mga alagang baboy sa iba pang panig ng bansa.
Sa pahayag ni Agriculture Secretary William Dar, na maliban sa pinaigting na quarantine checkpoint ay ipinag-utos na rin nito sa mga regional at provincial offices ang mahigpit na monitoring at surveillance sa kanilang mga nasasakupan upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.
Ayon kay Dar, kahit noong wala pang kumpirmasyong namatay dahil sa ASF ang mga alagang baboy sa Rizal ay ipinatupad na nila ang mga hakbangin kung kaya’t walang dapat na ipag-alala ang publiko.
Maliban pa rito, una nang sinabi ng kalihim na hindi naman apektado ang mga commercial hog raiser sa bansa at ilang backyard hog raisers lamang ang apektado ng ASF. BENEDICT ABAYGAR, JR.