SINIGURO ni ACT-CIS at House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo na hindi kinakalimutan ng Kongreso ang Davao de Oro landslide kung saan 98 ang namatay noong Marso.
Ayon kay Cong. Tulfo, “pinamamadali na nga ni Speaker Martin Romualdez ang imbestigasyon sa landslide sa Maco, Davao de Oro.”
Bukas, araw ng Martes, (May 14, 2024) muling diringgin ng Committee on Natural Disaster ang nasabing kaso.
“Hindi natin pwedeng basta na lang balewalain ang naturang insidente dahil maraming buhay ang nawala,” dagdag pa ni Tulfo “98 ang namatay doon at maaaring naiwasan kung sinunod lang ang babala ng Mines and Geosciences Bureau,” anang mambabatas.
Idineklarang ‘no build zone’ ang ilang bahagi ng nasabing bayan dahil nga sa madalas ang landslide sa lugar.
Ayon pa kay Cong. Tulfo, “gusto natin malaman kung sino ang nagpahintulot na magtayo ng kabahayan sa lugar na yung gayong ipinagbabawal na mga ito ng pamahalaan.”
“Ayaw na nating maulit pa ang ganitong mga pangyayari kasi may babala na nga pero tila hindi naman sinunod,” dagdag pa ni Cong. Tulfo.