(Mga nasawi sa 6.9 magnitude quake sa Davao del Sur umabot na sa 9) MATINDING TINAMAAN NG LINDOL MAY AYUDA MULA SA PCSO

PCSO

NAGLABAS ng nasa P15 million ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa tatlong bayan na matinding naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol noong Linggo.

Sa press confe­rence na pinangunahan ni PCSO Gen. Manager Royina Garma sa kanilang tanggapan kahapon, sinabi nito na naglabas sila ng tig-P5 milyon sa tatlong bayan sa Davao del Sur na ma­tindi ang epekto ng pagyanig.

Ang mga bayan ay ang Padada, Hagonoy at Matanao kung saan mayroong naitalang siyam na nasawi habang 315 kabahayan ang nawasak gayundin ang mga police station at paaralan.

Ang nasabing halaga ay bukod pa sa medical assistance na matatanggap ng mga nasugatan sa nasabing kalamidad, ayon kay Garma.

Nilinaw rin ng PCSO general manager na  nauna na silang nagpadala ng mga gamot dahil maraming mga residente ang nangangailangan ng tulong medikal.

Sa kabuuan ay umaabot na sa P89 mil­yon  ang halaga ng ayudang naipagkakaloob ng PCSO sa earthquake-hit areas pa lamang, kasunod ng serye ng malalakas na lindol sa rehiyon ng Mindanao na nagsi­mula noong Oktubre 16.

Batay sa huling ulat umabot na sa siyam katao ang nasawi dahil sa malawak na pagyanig sa Mindanao.

Samantala, itinanggi ni Garma ang lumabas sa social media na aprubado nila ang isang palaro na Bingo.

Nanawagan si Garma sa mga law enforcer partikular sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na hulihin ang mga lumalabas o nagpapakalat ng larong Bingo gamit ang pangalang PCSO.

Aniya, kung hindi ginagamit ang pangalan ng PCSO ay walang problema sa naturang online gaming pero kapag nagamit na ang pangalan ng PCSO ay saka sila magkaka laban sa unauthorized use ng kanilang ahensiya. EUNICE C.

One thought on “(Mga nasawi sa 6.9 magnitude quake sa Davao del Sur umabot na sa 9) MATINDING TINAMAAN NG LINDOL MAY AYUDA MULA SA PCSO”

Comments are closed.