MGA NASUNUGAN SA MAYNILA, BINISITA, TINULUNGAN NI SEN. GO

PERSONAL na nagtungo si Senador Christopher “Bong” Go sa Sta. Cruz, Manila upang alamin ang sitwasyon ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog noong Biyernes at pinagkalooban niya ng kinakaila­ngang tulong, kasabay ng pagtiyak sa mga mamamayan na nananatiling committed ang pamahalaan na tulu­ngan ang mga nanga­ngailangang komunidad sa gitna ng COVID-19 pandemic at iba pang crisis situations.

“Mga kababayan ko, huwag ho kayong mawalan ng pag-asa at magtulungan lang ho tayo. Alam kong nasa gitna pa tayo ng krisis ngayon at nasunugan pa kayo” ayon kay Go. “Ang gamit po ay nabibili, ang pera po ay kikitain, subalit ‘yung perang kikitain ay hindi nabibili ang buhay. Kaya magsipag lang tayo, kikitain natin yan. Huwag kayong mawalan ng pag-asa, ang importante ay buhay po tayo at walang nasaktan.”

Pinangunahan ng senador ang isang distribution activity sa Cecilio Apostol Elementary School kung saan namigay sila ng mga pagkain, damit, grocery packs, mga bitamina, at masks sa may 161 tahanan, na binubuo ng 574 indibidwal na naapektuhan ng sunog, gayundin ng mga bagong pares ng sapatos, bisikleta, relo at computer tablets para sa ilang piling recipients.

Bilang bahagi ng res­ponse efforts ng pamahalaan, namigay naman ang Department of Social Welfare and Development ng hiwalay na tulong pinansiyal sa bawat apektadong pamilya habang hinikayat ng National Housing Authority ang mga apektadong pamilya na mag-aplay para sa housing assistance upang muling maitayo ang kanilang mga tahanan.

Panghuli, nagkaloob ang Department of Trade and Industry ng livelihood support sa mga kuwalipikadong recipient sa pamamagitan ng kanilang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Livelihood Program.

Samantala, nag-alok naman si Sen. Go ng tulong sa mga residente na nagnanais na magsimulang muli sa kani-kanilang lalawigan at hinikayat ang mga ito na mag-aplay sa Balik Pro­binsya, Bagong Pag-asa program ng pamahalaan.  “Sinong gustong umuwi ng probinsiya sa inyo? Meron tayong programang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa. Itong programang ito, walang pilitan. Kung sino lang po ang gusto magbalik probinsiya at magbagong buhay doon, bibigyan kayo ng livelihood, pamasahe, o kung meron pong housing sa lugar ninyo ay bibigyan din kayo ng murang pabahay.”

Tiniyak pa ng senador sa mga ito na patuloy na pinaghuhusay at pinalalakas ng pamahalaan a ng kanilang fire response capabilities, lalo na pagkatapos ng enactment ng Republic Act No. 11589, o The Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021, noong Setyembre, na iniakda mismo niya.

Sinamantala rin niya ang pagkakataon na hikayatin ang bawat eligible family member na ma­kilahok sa national vaccination program upang mapalakas ang kanilang proteksiyon laban sa COVID-19 at patuloy na sumunod sa health protocols.

Hinikayat niya ang mga mamamayan na nangangailangan ng tulong medikal na huwag mag-atubiling lumapit sa alinman sa limang Malasakit Centers sa lungsod at mag-avail ng medical assistance mula sa pamahalaan.

“Ang Malasakit Cen­ter po ay batas na, isinulong ko noon, pinirmahan ni Pangulong Duterte. Ang Malasakit Center po ay para sa poor and indigent patients. Tutulungan ho kayo niyang Malasakit Center,” aniya. “Huwag kayong matakot sa babayaran niyo sa hospital. Lapitan niyo lang po yung Malasakit Center o yung opisina ko po, lapitan niyo lang po. Tutulungan ho namin kayo sa abot ng aming makakaya.”